NASAWI ang 3 miyembro ng BIFF Karialan Faction habang sugatan ang isa nilang kasamahan sa operasyon ng militar sa Barangay Liab, Mamasapano, Maguindanao del Sur.
Ayon kay 33rd Infantry Battalion Commander Lieutenant Colonel Benjamin Cadiente Jr., isang fire mission ang inilunsad ng kanilang pwersa laban sa grupo ni alyas Boy Jacket.
Kinilala ang nasawi na si alyas Suharto habang patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawang iba pa.
Narekober sa lugar ang isang 5.56mm M16A1 Rifle, dalawang Homemade Revolvers ng Cal. 38mm at Cal. 5.56mm, isang Cal.45 Pistol, tatlong Improvised Explosive Devices at iba pa.
Tiniyak ng militar ang kanilang pagbibigay ng seguridad para sa kaligtasan ng mga residente.
Ngayong taon, umabot na sa sampung BIFF ang sumuko sa gobyerno habang tatlo ang nasawi sa operasyon.