INARESTO ng Southern Police District (SPD) ang tatlong Chinese nationals sa isinagawang implementasyon ng search warrant nitong Hunyo 3, 3:30 am sa loob ng tinutuluyang condo unit ng mga suspek sa Seaside Boulevard, MOA Complex, Pasay City.
Kinilala naman ni PBGen. Kirby John Brion Kraft, district director, SPD ang mga suspek na sina Wu, Zhangjian (Michael Wang), 32-taong gulang, Jiang, Guanglin, 28-taong gulang, at Mao, Wei, 23-taong gulang.
Sa bisa ng Search Warrant No. 23-003 na inisyu ni Presiding Judge Rowena Nieves A. Tan dahil sa paglabag sa RA 10591, isinagawa ang operasyon sa pinagsanib na puwersa ng District Special Operations Unit-Southern Police District, DSOU-SPD, DDEU-SPD, DID, DMFB, SIS Pasay CPS, Northern NCR Maritime Police Station at 3rd SOU, Maritime Group.
Nakuha mula sa mga suspek ang isang Glock 26, caliber 9mm, na mayroong magazine at 10 bala, isang revolver handgun, apat na bala at isang revolver chamber.
Nakuha rin mula sa operasyon ang tatlong heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalaang shabu na may bigat na 11 gramo na nagkakahalaga ng aabot sa mahigit 70,000, anim na plastic tubes, anim na glass tooter, dalawang glass panel, dalawang plastic bottles at iba pang drug paraphernalia.
Ang mga naaresto ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 at section 11, 12 at 15, ng Article II ng RA 9165.