3 Duterte, tatakbo sa pagka-senador sa 2025; Mayor Baste, tatakbo naman sa pagka-pangulo sa 2028—VP Sara

3 Duterte, tatakbo sa pagka-senador sa 2025; Mayor Baste, tatakbo naman sa pagka-pangulo sa 2028—VP Sara

KINUMPIRMA ni VP Sara Duterte na tatakbo sa pagka-senador sa 2025 midterm elections sina FPRRD, Davao City Mayor Baste Duterte, at Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte.

Nagpaunlak ng interview sa media si Vice President Sara Duterte sa OVP Pride Reception na ginanap sa isang hotel sa Cagayan de Oro City.

Dito’y sinabi niya ang mga plano ng Pamilya Duterte para sa darating na 2025 at 2028 elections.

Aniya, tatlo sa mga Duterte ang tatakbo sa pagka-senador sa midterm elections.

“Lahat sila rearing na tumakbo eh. Si PRRD, senator. ‘Yung kuya ko, si Paolo Duterte, ‘yung congressman ngayon, senator si Sebastian Duterte.”

“Tatlo ang Duterte next year.”

“Yes, confirmed iyan,” pahayag ni Vice President Sara Duterte.

Sabi naman aniya ng kaniyang ina na si Elizabeth Zimmerman, tatakbo si Mayor Baste sa pagkapangulo sa 2028.

VP Duterte, muling tatakbo sa pagka-alkalde ng Davao; Kung kailan, hindi pa tiyak

Pero ano naman kaya ang plano ni Vice President Duterte?

“Ang sabi ng mama ko, balik daw ako sa Davao para maging mayor,” tugon nito.

Kung sa 2025 ba o 2028 siya tatakbo bilang alkalde sa Davao City, ito ang kaniyang naging tugon.

“Pag-uusapan namin,” aniya.

Wala naman daw sa usapan na magbibitiw siya bilang pangalawang pangulo ng bansa ngayon.

VP Duterte sa relasyon nila ni Marcos Jr: Sa tingin ko ay magkaibigan pa rin kami

Pero kumusta naman kaya ang relasyon ni Vice President Duterte kay Pangulong Bongbong Marcos matapos siyang magbitiw bilang kalihim ng Department of Education at tuluyang lisanin ang gabinete ng Pangulo?

“I would think. Sa tingin ko ay magkaibigan pa rin kami ni Pangulong Bongbong Marcos,” ayon sa bise presidente.

Susunod na DepEd secretary, dapat isang leader at manager—VP Sara

Wala pang ideya si VPDuterte kung sino ang papalit sa kaniya bilang DepEd Secretary pero aniya welcome sa kaniya kung sinuman ang itatalaga sa ahensiya.

Ito naman ang kaniyang sagot sa suhestiyon na dapat na manggagaling sa sektor ng edukasyon ang magiging kalihim ng DepEd.

“The position of secretary is a position of trust and confidence. Pangalawa, walang nakalagay na requirements para sa isang education secretary. In fact, dito sa Southeast Asia, kung makikita ninyo hindi lahat ng mga education secretaries are from the education sector. Unang una talaga pagka-secretary ka kailangan isa kang leader at isa kang manager,” aniya pa.

Sugat sa kaniyang leeg, ipinaliwanag ni VP Duterte

Samantala natanong naman sa pangalawang pangulo ang kaniyang video na nag-viral online patungkol sa nangyari sa kaniyang leeg.

“Hindi naman siguro kailangan i-interpret ‘yun, very straightforward ‘yun. Tinanong ako kung ano ‘yung sugat na nasa leeg ko at sinabi ko sinubukan nila akong igurgur pero hindi sila nagtagumpay. (Sino ba iyan sila VP?) Silang lahat,” wika nito.

Samantala, no comment naman si Vice President Duterte sa sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na na-miss na siya nito.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble