OPISYAL nang kinilala ng Department of Energy (DOE) ang tatlong industriya bilang mga kwalipikadong tagapagbigay ng pagsasanay para sa sektor ng Liquefied Petroleum Gas (LPG).
Ang hakbang na ito ay bahagi ng paghahanda para sa pagpapatupad ng Liquefied Petroleum Gas Industry Regulation Act (LIRA) na naglalayong mapabuti ang kaligtasan at propesyonalismo sa industriya ng LPG.
Kabilang sa mga kwalipikadong organisasyon ang LPG Industry Association (LPGIA), LPG Marketers Association (LPGMA), at Philippine LPG Association (PLPGA).
Sa ilalim ng mga bagong regulasyon, kinakailangan ang lahat ng indibidwal na kabilang sa anumang aktibidad o pasilidad sa loob ng industriya ng LPG ay dapat sumailalim sa pagsasanay mula sa mga organisasyong kinikilala ng gobyerno upang matiyak ang mataas na pamantayan sa kaligtasan at teknikal.
Ang mga kwalipikadong organisasyong ito ay magsasagawa ng pagsasanay sa mga sumusunod na larangan: operasyon ng refinery, operasyon ng import terminal at depot, bulk at cylinder transport operations, pamamahala ng refilling plant, operasyon ng dealer at retail outlet, pamamahala ng auto-LPG dispensing station, at centralized LPG piping systems para sa mga bulk consumer.