AAYUSIN na ng Philippine government ang mga papeles ng tatlong Pilipino na ginawaran ng pardon sa United Arab Emirates (UAE) para sa pag-uwi ng mga ito sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.
Ito ang iniulat ni Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Paul Raymund Cortes sa Laging Handa public briefing nitong Miyerkules.
Ani Cortes, wala mang tiyak na timeframe, pero inaasahan ng DFA na sa susunod na buwan ay makauuwi na ng bansa ang tatlong Pinoy.
“We are hoping in the next month or so, aayusin na iyong kanilang mga papeles at nang makauwi na, or even less than that. Again, marami-rami naman tayong mga kababayan ang na-pardon na sa UAE in the past and usually it takes about a month or even less bago sila makauwi talaga dito sa Pilipinas,” ayon kay Asec. Paul Raymund Cortes, DFA.
Una nang pinasalamatan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang UAE government dahil sa paggawad nito ng pardon sa tatlong Pilipinong nahatulan sa kanilang bansa.
Kabilang dito ang dalawang nasa death row dahil sa drug trafficking at ang isa pa na pinatawan ng 15-taong pagkakakulong dahil sa slander o cybercrime case.
3 Pilipino na ginawaran ng pardon sa UAE, makatatanggap ng tulong mula sa OWWA, DMW at DSWD
Samantala, tiniyak naman ng DFA official na makatatangap ng ayuda ang tatlong Pilipino mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Pagdating po nila dito sa Pilipinas, nandiyan po iyong mga sangay ng gobyerno na tutulong sa kanila. Nandiyan po iyong OWWA, just in case OWWA member siya. Nandiyan din po ang DMW to help them reintegrate sa society po natin, back. After so long away from the country, nandito naman po sila ulit, this time hoping na they can positively contribute through reintegration efforts ng ating mga sangay ng pamahalaan,” dagdag ni Asec. Cortes.
Magugunitang dalawang buwan ang nakalilipas, umapela mismo si Pangulong Marcos sa gobyerno ng UAE na mabigyan ng pardon ang tatlong Pinoy.
Legal assistance sa mga Pilipino na nakakulong pa ngayon sa UAE, tiniyak ng DFA
Sa kabilang dako, sinigurado ng DFA na naibibigay sa mga Pilipinong nakakulong sa UAE ang kinakailangan nilang legal assistance.
Sinabi ni Asec. Cortes na maraming Pilipino pa rin ang nakakulong sa UAE dahil sa iba’t ibang kaso.
Base sa kanilang rekord, ani Cortes, ang kaso ng mga Pilipinong nakapiit sa UAE ay may kinalaman sa ilegal na droga, pagpatay, prostitusyon, at pagnanakaw.
“Marami-rami pa po ang mga nakapiit na kababayan natin na various cases. Iyong iba po drugs, iyong iba prostitution, iyong iba theft, some murder naman at lahat po iyang mga kababayan natin, lahat naman binibigyan natin ng legal assistance to make sure na iyong mga karapatan nila for due process is considered,” ani Asec. Cortes.
Idinagdag pa ng DFA official na ang ibang Pilipino naman ay final at executory na ang kanilang sentensiya.
Kaya nagpapatuloy aniya ang paghingi ng gobyerno ng Pilipinas sa UAE government ng pardon.
Kadalasang iginagawad ang pagbibigay ng pardon kapag ipinagdiriwang ang Eid’l Adha o pagtatapos ng Ramadan.