DISYEMBRE ng 2023 nang magsimula ang pilot implementation ng Walang Gutom 2027: Food Stamp Program ng administrasyong Marcos.
Target ng gobyerno na maparehistro ang nasa tatlong libong mahihirap na Pilipinong pamilya o ‘yung mga kumikita ng mas mababa sa P8-K sa unang anim na buwan ng Food Stamp Program.
Sa ilalim ng programa, makakatanggap ang bawat pamilya ng Electronic Benefit Transfer (EBT) card na may lamang food credits na nagkakahalaga ng P3-K.
Pinondohan ang pilot implementation ng $3-M mula sa Asian Development Bank.
Pero sa ngayon, nasa higit dalawang libong pamilya pa lamang sa limang lugar sa bansa ang napaparehistro sa nasabing programa ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Aminado ang DSWD na isa sa mga hamong kinakaharap nila sa pilot implementation ng Food Stamp Program ay ang paghahanap sa mga natitirang benepisyaryo.
“Nakikipagtulungan po tayo sa DILG through the barangays para hanapin po at puntahan po sila sa mga bahay-bahay nila,” ayon kay Asec. Baldr Bringas, DSWD.
Pagsapit ng Hulyo 2024, isasagawa na ang scale-up implementation ng Food Stamp Program.
Mula sa tatlong libong pamilya, tataas na sa 300,000 ang target na bilang ng DSWD para sa 2024, 600,000 para sa 2025 hanggang isang milyong pamilya para sa 2027.
DSWD, magiging istrikto na sa pagpapatupad ng mga kondisyon sa scale-up implementation ng Food Stamp Program
Sa pagsimula ng scale-up implementation ng nasabing programa, magiging mahigpit na umano ang DSWD sa pagpapatupad ng mga kondisyon.
Upang hindi matanggal sa listahan ng Food Stamp Program, nire-require kasi ang mga benepisyaryo na dumalo sa Nutrition Education Session at pagsali sa mga job fair ng Department of Labor and Employment (DOLE) o sa mga training ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Isa ang pagsunod ng mga benepisyaryo sa mga nasabing kondisyon sa mga hamong kinakaharap ng ahensiya.
“Kapag food redemption, kapag ipinapatawag namin ang mga benepisyaryo kapag iclaclaim na nila ‘yung P3,000 present po iyan lahat. A-attend po iyan lahat. Pero pagdating sa Nutrition Education at ‘yung mga job fair natin biglang nagkakasakit, biglang may importanteng gagawin,” ani Bringas.
Kaya babala ng DSWD sa mga benepisyaryo…
“Ito kasi ay benepisyong ibinibigay sa atin, hindi naman natin ito rights. Hindi natin ito karapatan. So, kung hindi natin name-meet ‘yung mga conditions as stipulated sa ating mga programa, may karapatan din po ang estado na bawiin ito at ibigay natin sa ibang susunod na mga beneficiaries,” ayon naman kay Asec. Romel Lopez, DSWD.
May pondong P1.89-B ang Food Stamp Program para sa 2024 mula sa General Appropriations Act.
Tinatayang higit P17-B naman ang kakailanganin ng DSWD para sa taong 2025.
Sa kabuuan, humigit-kumulang P40-B kailangan ng administrasyong Marcos para sa target na isang milyong mahihirap na pamilya sa 2027.