300,000 doses na COVID-19 vaccines sa Las Piñas, inilaan

PIRMADO na ngayong araw, January 11,2021 ni Las Piñas City Mayor Imelda “Mel” Aguilar ang kasunduan sa pagitan ng British drug maker AstraZeneca para sa supply ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccines na naglalaan ng 300,000 doses na bakuna para sa mga residente sa lungsod.

Ang national government ang nagpasya sa alokasyon na 300,000 doses na bakuna para sa Las Piñas City sa ilalim ng COVID- vaccination program ng pamahalaan.

Sinabi ni Mayor Mel Aguilar na inaasahang darating sa lungsod ang bakuna ng AstraZeneca sa buwan ng Hulyo ngayong taon.

Binigyang-diin ng alkalde na ipagkakaloob ng libre ang bakuna at prayoridad ng Lokal na Pamahalaan na unang mabakunahan ang mga frontliners kabilang ang medical at health care workers, mga tauhan ng Las Pinas City Police, senior citizens, ibang sector na may matinding pangangailangan nito at mahihirap na residente sa lungsod.

Unang naglaan ang Las Pinas City Government ng P200-milyong pondo o augmentation funds sa national government para sa karagdagang pagbili ng COVID-19 vaccines upang mabigyan ng libreng bakuna ang mga Las Piñeros.

“Nakahanda ang ating lokal na pamahalaan na maglabas ng karagdagang pondo at tuluy-tuloy ang ating pakikipag-ugnayan sa local pharmaceutical company para masiguro na mabakunahan ang mga taga-Las Piñas,” pahayag ni Mayor Mel Aguilar.

Umaasa naman si Mayor Mel Aguilar na madaragdagan pa ng national government ang alokasyon sa bakuna nito para sa mga residente ng Las Piñas.

Muling inihayag ng alkalde na prayoridad ng lokal na pamahalaan ang seguridad sa kalusugan, kaligtasan, at kapakanan ng mga residente partikular ngayong panahon ng pandemya kasabay ng kanyang panawagan sa mga Las Piñeros na patuloy na mag-ingat, maging disiplinado, at patuloy na sumunod sa health and safety protocols upang maiwasan ang pagkalat ng sakit sa lungsod.

SMNI NEWS