30K dosis ng AstraZeneca vaccines, dumating sa Cebu City

DUMATING ang 30,000 dosis ng AstraZeneca COVID-19 vaccines sa Cebu City ngayong araw ng Miyerkules, Marso 10.

Lumapag ang nasabing bakuna lulan ng Philippine Airlines flight PR 1845 sa Mactan Cebu International Airport kaninang alas 7:40 ng umaga.

Ayon kay Dr. Mary Jean Loreche, spokesperson ng Department of Health ng Central Visayas, mula sa Mactan Cebu International Airport, ibibiyahe ang AstraZeneca vaccines sa storage facility ng DOH -7 sa Cebu City.

“As to the distribution, these will cover other healthcare workers in hospitals, city health offices, rural health units, and emergency operation centers,” pahayag ni Loreche.

Una nang sinabi ni Loreche na karamihan sa maging sakop ng AstraZeneca vaccines ay mga edad 60 pataas.

Matatandaan noong Marso 4 dumating ang unang batch ng 478,200 dosis ng AstraZeneca COVID-19 vaccines sa bansa mula sa COVAX Facility.

Marso 7 dumating naman ang karagdagang 38,400 dosis nito bilang pagkumpleto sa 525,600 dosis na nakuha ng pamahalaan sa unang bahagi ng alokasyon ng COVAX.

Inaasahan naman ngayong linggo ang pag-deploy ng mga bakuna sa lahat ng rehiyon ng bansa na aabot sa 240,720 dosis.

Kabilang sa prayoridad ng pamahalaan ayon sa resolution na isinumite ng Department of Health at ng National Immunization Technical Advisory Group, ang mga COVID-19 high risks areas kagaya ng NCR, Central Visayas, Calabarzon, Region 11 at iba pang mga lugar sa CAR.

Aniya, inerekomenda ng vaccine expert panel at ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ilalaan sa mga health care worker ang lahat ng mga bakunang dumating ngayong buwan.

SMNI NEWS