NABILI na ng bansa ang 30 milyong dosis ng COVID-19 vaccine mula sa Novavax Inc., isang U.S. biotech firm na nakabase sa India.
Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez, Jr., nilagdaan na ang supply deal para sa 30 milyong dosis ng Novavax sa kanyang pagbisita sa Serum Institute sa India nakaraang linggo.
Inaasahang darating ang bakuna sa ikatlo o ikaapat na bahagi ng taong 2021.
“Thirty million ang ating order. It can be expanded to another 10 (million), just in case maging successful ang ating mga government negotiations,”pahayag ni Galvez.
Sinabi ni Galvez na hinihintay na lamang na maaprubahan ang Emergency Use Authorization (EUA) ng bakuna sa UK, sa US at dito sa bansa.
Samantala, inaasahan naman ngayong buwan hanggang sa Abril ang 2.3 milyong dosis ng COVID-19 vaccine mula sa China at COVAX Facility.
Ayon kay Galvez, ang mga nasabing bakuna ay kumbinasyon ng CoronaVac vaccine na binili ng pamahalaan at ang iba ay donasyon ng China at AstraZeneca.
Sa kabuuang 1.4 milyong CoronaVac mula China, 400,000 rito ay donasyon habang 1 milyon ay binili ng pamahalaan.
Inaasahan din ang pagdating ng 979,200 dosis ng AstraZeneca ng World Health Organization (WHO) sa pamamagitan ng COVAX Facility sa Marso 22.
Samantala, tiwala naman ang gobyerno na mabakunahan ang 70% ng mga Pilipino laban sa COVID-19.
Nasa kabuuang 161 milyong dosis ang planong bibilhin ng Pilipinas para sa pagbabakuna sa 50 hanggang 70 milyong Pilipino ngayong taon.