31 OFWS mula Middle East ligtas na nakauwi sa gitna ng kaguluhan sa rehiyon

31 OFWS mula Middle East ligtas na nakauwi sa gitna ng kaguluhan sa rehiyon

INANUNSIYO ng Department of Migrant Workers (DMW) ang matagumpay na repatriation ng 26 OFWs mula sa Israel, tatlo mula sa Jordan, at tig-isa mula sa Palestine at Qatar.

Lahat sila ay naapektuhan ng tumitinding tensiyon sa Gitnang Silangan. Dumating sila sakay ng Qatar Airways Flight QR 934, Martes ng gabi, sa NAIA Terminal 3.

Kasama sa biyahe ng mga OFW sina DMW Secretary Hans Leo Cacdac at Assistant Secretary Venecio Legazpi, na personal na nagsigurong ligtas at maayos ang kanilang pagbabalik.

Ayon sa DMW, naisakatuparan ang repatriation mission sa ilalim ng One Country Team Approach na pinangungunahan ng DFA, DMW, at OWWA, katuwang ang mga embahada at Migrant Workers Offices sa Israel, Jordan, at Qatar.

Nagkaroon ng pagkaantala sa orihinal na flight bunsod ng pansamantalang pagsasara ng airspace sa Qatar matapos ang pambobomba ng Iran sa isang US base sa Doha.

Pagdating sa bansa, sinalubong ang mga OFW ng inter-agency team mula sa DMW at OWWA. Agad silang binigyan ng tulong pinansiyal na P75,000 mula sa DMW at karagdagang P75,000 mula sa OWWA.

Kabilang sa mga ahensiyang nakaantabay para sa karagdagang tulong ay ang DSWD para sa psychosocial counseling, DOH para sa medical support, TESDA para sa skills training at retooling programs, at DTI para sa livelihood assistance.

Ayon sa DMW, magpapatuloy ang pamahalaan sa pagbibigay ng impormasyon ukol sa mga susunod na repatriation efforts at kabuuang tulong para sa mga kababayan nating naapektuhan ng krisis sa Gitnang Silangan.

Tiniyak ni OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan na may sapat pang pondo ang gobyerno para sa repatriation program.

“Itong mga panahon na ito na may krisis na kailangan agad-agad solusyunan by providing repatriation assistance at financial assistance, yes, sapat,” ayon kay Patricia Yvonne Caunan, Administrator, OWWA.

Bukod sa mga dumating ngayong Martes ng gabi, may inaasahan pang walong Pilipinong darating mula Iran.

“Eight will be arriving—given by the list from DFA—eight arriving on Thursday from Iran,” wika ni Usec. Felicitas Bay, DMW.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble