NAGSAGAWA ng malawakang dengue clean-up drive sa 33 barangays ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela katuwang ang Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD).
Ito ay bilang pagkilala sa buwan ng Hunyo na idineklara bilang Dengue Awareness Month ng Department of Health (DOH).
Nagtulong-tulong kaninang umaga ang mga residente ng Barangay Dalandanan sa naturang lungsod sa paglilinis ng kanilang komunidad.
Hakbang ito upang maiwasan ang pagdami ng kaso ng dengue.
Maliban sa dengue clean-up drive ay namahagi rin ng Ovitrap ang DOH para sa surveillance control kung saan sa pamamagitan ng Ovitrap ay namamatay ang itlog ng lamok.
Paliwanag ng DOH, namamahay sa madidilim na lugar at nangingitlog sa malilinaw at hindi dumadaloy na tubig.
Kabilang sa mga sintomas ng dengue ay mataas at tuloy-tuloy na lagnat, rashes, pananakit ng kasu-kasuan, walang ganang kumain, pagkahilo, at pagsusuka, pananakit ng tiyan at pagdurugo ng ilong o gilagid.
Pinaliwanag naman ng DOH na ang tinatawag na 4S ay dapat sundin kung saan makatutulong ito sa pagsugpo ng dengue.
Ayon kay Aleli Annie Sudiacal, Assistant Regional Director, DOH-MMCHD, ngayon ang dengue ay walang pinipiling panahon mapatag-ulan man o tag-araw kaya’t dapat maging handa at maingat sa sakit na ito.
Hinihikayat naman ng gobyerno ang lahat na makipagtulungan sa naturang programa upang protektahan ang kalusugan ng bawat isa.
At ngayong buwan ng Agosto ay ang pagbabalik ng face to face classes ng paaralan sa basic education.
Dahil rito, hinihimok ang lahat na paigtingin ang kampanya kontra dengue.