34 close contacts ng 12 UK variant cases sa Bontoc, nagpositibo sa COVID-19

NATUNTON na ng Department of Health (DOH) ang mga close contact ng labing dalawang residente ng Bontoc, Mountain Province na nagpositibo sa UK COVID-19 variant.

Ayon kay Health Spokesperson Undersecretary Maria Rosario Vergeire, 144 na first at second close contacts ng mga 12 UK variant cases ang natukoy ng DOH.

Tatlumpu’t apat aniya dito ay nagpositibo sa COVID-19 pero nagnegatibo sa UK variant.

Samantala, apat naman aniya na close contacts ng isa pang UK COVID-19 case sa La Trinidad, Benguet ang nagpositibo rin sa sakit.

Matatandaan nitong Enero 23, Sabado,  nang kinumpirma ng DOH ang 16 bagong kaso ng UK variant sa bansa.

Samantala, nakatanggap na ang Bontoc, Mountain Province ng karagdagang contact tracers mula Cordillera Administrative Region (CAR), Region 1 at 2.

Ayon kay Bontoc Mayor Odsey, ang karagdagang contact tracers ay tutulong na matunton ang second at third generation contacts ng 12 UK COVID-19 variant cases sa bayan.

Ani odsey, sakaling matunton ang mga contact ay magiging subject sila ng RT-PCR test.

Sakali hindi matapos ng mga contact tracers ang kanilang gawain sa Enero 31, sinabi ng alkalde na palalawigin pa ang lockdown na ipinatutupad sa limang barangay sa Bontoc.

Sa ngayon, sinabi ni Mayor Odsey na sa 12 UK COVID-19 cases sa kanilang bayan, dalawa ang nanatili sa ospital, isa ang madi-discharge ngayong araw at siyam ang naka-home quarantine.

SMNI NEWS