NAKAHANDA nang mag-deploy ang Philippine National Police (PNP) ng kanilang mga tauhan sa iba’t ibang panig ng bansa partikular sa mga matataong lugar o madalas puntahan tuwing Holy Week.
Sa panayam ng SMNI kay PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., kumpleto na ang 34 libong PNP personnel na tatao sa mga ‘places of convergence’ gaya ng terminal, bahay panambahan, at maging malls sa bansa.
Ani Acorda, magiging posible lamang ang kanilang security coverage sa pakikipagtulungan ng iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Katuwang ang Department of Transportation (DOTr), bibigyan ng pansin sa kanilang security measures ang pagdagsa ng maraming pasahero sa mga pantalan at terminal pauwi sa kani kanilang probinsiya.
Outgoing PNP Chief General Acorda, may payo sa susunod na hepe ng pambansang pulisya
Samantala, nananatili pa ring tikom ang bibig ni General Acorda kung sino ang papalit sa kaniya bilang hepe ng pambansang pulisya.
Pero mayroon namang pakiusap si Acorda sa susunod na hepe na ipagpapatuloy ang kaniyang mga nasimulang programa at adbokasiya.
Bukas naman ang heneral sa anumang posisyon na ipagkakatiwala sa kaniya ng kasalukuyang gobyerno bagamat nilinaw nito na hindi pa sila nag-uusap ng Pangulo kaugnay sa nakatakdang pagpapalit ng liderato ng PNP.