378-km bike lanes project, nakumpleto sa NCR sa loob lamang ng halos 1 taon – DPWH

378-km bike lanes project, nakumpleto sa NCR sa loob lamang ng halos 1 taon – DPWH

UMABOT na sa 378 km haba ang nakumpletong bike lanes project sa Metro Manila simula Hunyo 25, 2021 hanggang Abril 20, 2022.

Iniulat ng Department of Public works and Highways-National Capital Region (DPWH-NCR) na umabot na sa 378 km ang nakumpletong bike lanes project sa Metro Manila.

Sa datos naman sa buong bansa, 564 km ng bike lane projects ang nakumpleto.

Ang naturang ulat ay kasabay ng ginanap na inagurasyon ng South and East Metro Manila Bike Lane Network sa Daang Hari Road, Alabang, Muntinlupa City ngayong araw.

Ayon kay DOTr Undersecretary Mark Steven Pastor, ang South and East Metro Manila Bike Lane ay may haba na 67 km na makapagsisilbi ng 1,250 siklista.

Ani Pastor, marami na talaga ang nakikinabang sa nasabing bike lanes.

Aniya, hindi lamang ito pino-promote bilang pang-leisure o pang-exercise bagkus para maging alternatibong mode of transportation papunta sa trabaho o sa arawaraw na gawain.

Kung matatandaan, nag-umpisa ang sunud-sunod na paglunsad ng bike lanes sa maraming bahagi ng bansa lalo na sa Metro Manila nang tumama ang COVID-19 pandemic.

“Dinadagsa ang ating bike lanes, madami sa ating mga siklista gumagamit ng bike lanes, hindi lamang nasa pandemya tayo, hindi lamang dahil pinapabuti nito ang ating kalusugan but more importantly nakakapunta ang ating kababayan from point A to point B nang ligtas, mabilis at walang, hindi siya magiging transmission vector ng virus,” ayon kay Pastor.

Samantala, inihayag ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na target nilang malagyan ang Macapagal Avenue sa Aseana City na magkaroon ng bike lane upang makatulong ang local government unit (LGU) sa proyekto ng national government.

“Ang plano ng city government Parañaque ay magkaroon ng counterpart yung ating bike lane from the national government katulad sa public works kapag nagpagawa ng eskwelahan ang city nagpapagawa din ng eskwelahan. So, ang tinitingnan ng city namin malagyan namin yung aming Macapagal Avenue dun sa Asyano City na magkaroon tayo ng bike lane dun,” ayon kay Olivarez.

Sa kabilang dako, inilahad ni DPWH-NCR Regional Director Nomer Abel Canlas na nananatiling malakas ang buong suporta ng ahensya sa pakikipag-kolaborasyon sa DOTr at ibang ahensiya para sa bike lanes project.

“Napakaganda  ng ating collaboration kung ano cue ng DOTr nandito po kami palagi ang DPWH to achieve this common goal in providing not only this safe protected bike lanes kagaya nung nabanggit mo. We will pursue this we will further improve what we can in full coordination and collaboration with DOTr,” ani Canlas.

Samantala, sa nakausap ng SMNI News na ilang siklista, ibinahagi nila kung gaano kalaki ang naitutulong sa kanila ng pagkakaroon ng bike lanes.

Pinasalamatan naman ng mga ito si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa tunay na kaginhawaan na dulot ng proyekto sa kanilang araw-araw na pamumuhay.

Dinaluhan ang naturang event sa Alabang nina DOTr Usec. Mark Steven Pastor, DPWH-NCR Regional Director Engr. Nomer Abel P. Canlas, LTRFB Chairman Atty. Martin B. Delgra III, Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez, mga representante ng Muntinlupa, Marikina at Las Pinas LGU kasama ang mga opisyal ng Megaworld Corporation.

Tiniyak naman ng pamahalaan na patuloy itong magtatrabaho para panindigan at pangatawanan na mabigyan ang  mga Pilipino ng komportableng pamumuhay kagaya na lamang ng hangad ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Follow SMNI News on Twitter