38 lugar, posibleng isailalim bilang election hotspots ngayong midterm elections

38 lugar, posibleng isailalim bilang election hotspots ngayong midterm elections

KINUMPIRMA ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang tatlumpu’t walong lugar sa bansa na posibleng isailalim sa election hotspots sa gitna ng papalapit na midterm elections ngayong Mayo.

27 mula sa 38 ay mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Habang ang iba naman ay matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng Luzon at Visayas.

Sa pulong balitaan ng PNP sa Kampo Krame, nilinaw nila na isasailalim pa sa re-validation ang listahan ng DILG sa tulong ng Joint Peace and Security Coordination Council.

Oras anila na matapos ang assessment sa nasabing mga lugar, saka naman ito isusumite sa COMELEC En Banc bago naman ilabas ang opisyal na listahan ng mga lugar na ilalagay sa mga naangkop na kategorya para sa mahigpit na monitoring at seguridad na rin ng publiko, mga botante at mismong mga pulitiko.

“May nabanggit before na figures si SILG before mga around that figures pa rin yung at least sa red category. So, again dadaan pa rin ito sa assessment at I understand this has already been discussed doon sa committee on ban on firearms and security concerns at once matapos yung reassessment nila isa-submit nila yan sa COMELEC En Banc and ang COMELEC En Banc ang maglalabas ng official list ng election areas of concern but speaking of EAC siyempre yung mga risk factors yung patuloy natin binabantayan,” ayon kay PBGen. Jean Fajardo Spokesperson, PNP.

Sa panig naman ng pulisya, mayroon naman na raw silang hawak na sariling listahan ng mga lugar na kailangang bantayan ngayong eleksiyon.

Gayunpaman, kailangan din itong pag-aralan ng iba pang security sector bago gumawa ng hakbang para dito katuwang ang Armed Forces of the Philippines na miyembro rin ng JSCC.

“Meron na pong tayong initial this is as of Dec. 31. ‘yung hawak natin latest na data at ‘yung areas with election risk factors, ito yung mga proposed natin na mga possibleng mapasailalim sa mga election areas of concern but ito ay dumadaan sa masusing assessment ng JSCC,” ani Fajardo.

Sa ngayon, regular naman anila ang pakikipag-ugnayan ng mga awtoridad sa mga barangay upang mas madaling matukoy ang mga indibidwal o grupo na maaaring maging dahilan ng gulo lalo na sa panahon ng botohan.

Nauna nang kinumpirma ng PNP ang kanilang pagmamanman sa tatlong aktibong private armed groups sa bansa at limang potential private armed groups na maaaring magamit ng mga politiko para sa abanse ng mga ito ngayong eleksiyon.

Pareho naman umaasa ang DILG at PNP na hindi magkakaroon ng karahasan sa halalan sa pakikipagtulungan na rin ng publiko upang maisakatuparan ang hangad na payapang eleksyon ngayong taon.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter