NADISKUBRE sa bansa ang 38 na bagong kaso ng iba’t-ibang variants ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ayon sa Department of Health (DOH).
Sa 38 na kaso, anim dito ang South African variant o B.1.351 variant, 30 ang UK variant o B.1.1.7, at ang dalawang kaso ay may “mutations of interest.”
Ang lahat ng nasabing variants ay nadiskubre sa ika-walong batch ng 350 samples na isinailalim sa genome sequencing ng University of the Philippines – Philippine Genome Center (UP-PGC).
Sinabi ng DOH na dalawa sa anim na kaso ng South African variant ay returning overseas Filipinos (ROFs) at tatlong lokal na kaso mula sa Pasay City habang patuloy pa na bineberipika ang lokasyon ng isa pang kaso.
“To date, there are already 48 countries with reported cases of the B.1.351 variant. While there is no evidence that this variant case (is a) more severe disease, the pattern of mutations within this variant suggests higher transmissibility and may have an impact on vaccine efficacy,” pahayag ng DOH.
Dagdag ng DOH, dalawa sa lokal na kaso ay isang 61 anyos na babae at isang 39 anyos na lalaki na kasalukuyang isinailalim sa quarantine facility sa Pasay City.
Samantala, 30 na bagong kaso ng UK variant naman ang nadiskubre na may 20 kaso mula sa ROFs, tatlong lokal na kaso habang bineberipika pa ang natitirang pito.
“The 20 detected ROFs entered the country from the Middle East, Singapore, and the United States of America between Jan. 20 and Feb. 16, 2021. Thirteen of these are asymptomatic active cases, while seven have now recovered,” ayon sa DOH.
Ang tatlong kaso naman nito ay mula sa Cordillera Administrative Region; isang aktibo, isang nakarekober, at isang nasawi.
“The linkage of the three local cases to previously reported B.1.1.7 variant cases in the region is currently being investigated,” ayon pa ng DOH.
Sa ngayon ay nasa 87 na ang kabuuang kaso ng UK variant sa bansa.
Dalawang kaso naman ang naitalang may “mutations of interests” mula sa Region 7 na may N501Y at E484K mutations.
Pinaalalahanan naman ng ahensiya ang publiko na sumunod sa minimum public health standards upang maiwasan ang transmisyon ng COVID-19 at ng iba’t ibang variants ng virus nito.
Ito’y sa kabila ng pagdating ng COVID-19 vaccines at ang matagumpay na pangangasiwa rito.