MASAYA, makulay at bongga ang naganap na 39th Bonok-Bonok Festival sa lungsod ng Surigao.
Sa eksklusibong panayam ng SMNI News kay Surigao City Mayor Pablo Yves Dumlao, sinabi nito na ang salitang ‘Bonok-Bonok’ ay mula sa native words ng Mamanwa Tribe.
Ang ‘Bonok-Bonok’ ay isang ritwal na ginagawa ng mga katutubo ng lungsod kung saan sa sinaunang panahon ay dinidikdik nila ang mga aning palay hanggang ito ay maging bigas at makain.
“Bonok-Bonok because inadap natin ‘yung ritual ng Mamanwa na everytime na may i-harvest, they celebrate for the food for the blessings and then Bonok-Bonok ‘yung ritual nila ‘yung pagdikdik ng harvest nila na palay para ma-meal ‘yun sa..that’s why inadap natin ‘yun ang pangalan Bonok-Bonok,” ayon kay Hon. Pablo Yves Dumlao, City Mayor, Surigao City.
Dagdag pa ni Dumlao, naging matiwasay ang nasabing selebrasyon mula sa ginawang street dancing hanggang sa grand showdown kung saan nagpamalas ang lahat ng mga kalahok sa kanilang mga talento.
“Well, I’m very happy to everybody, to all organizers, ‘yung mga security personnel natin intensified, ‘yung personnel natin para to ensure the safety ng public and the..so far we have nothing encounter any untoward incident. I’m very happy mababait naman tayo Surigaonon and Surigaonon love their festivals and Surigaonon love the Bonok-Bonok Festival,” dagdag ni Hon. Dumlao.
Personal ding dumalo si Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa Bonok-Bonok Festival at nagpaabot din ito ng pagbati para sa mga mamamayan ng Surigao.
“Para sa ating mga kapatirang Surigaonon lalo na dito sa Surigao City, binabati ko kayo ng masayang Bonok-Bonok Festival, Happy Bonok Festival sa inyong lahat,” pagbati ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Samantala, binigyang-diin ni Mayor Dumlao na mas dumoble ang premyo sa naging kampeon sa ginawang grand showdown.
Tumanggap ito ng P1-M na dinagdagan pa ni Sen. Bato ng P100,000 kaya umabot sa kabuuang P1.1-M na premyo.
Lubos naman ang pasasalamat ng Agusan del Sur Artist Guild dahil sila ang naging kampeon sa nasabing Bonok-Bonok.
“Actually, hindi po maging madali para sa amin kasi sobrang gagaling po mga kalaban naming. We really appreciate kung ano po ang naging result ‘yung mga naranasan naming, since day 1 ‘yung mga rehearsals namin grabing pagod, halos umiiyak kami gabi-gabi sa sobrang pagod sa pag-practice pero still nakuha namin ‘yung panalo,” ayon kay Joy Mark Hingco, Head Choreographer.
Matatandaan na ang lungsod ng Surigao ay kabilang sa top tourist destination ng bansa kaya naman ang Bonok-Bonok Festival ay isa sa mga tourist attraction ng lungsod.