HIGIT 2.7-M dosis ng Pfizer COVID-19 vaccines at 1.5-M dosis ng Moderna COVID-19 vaccines, nakatakdang dumating ngayong araw.
Dumating na sa bansa ang nasa kabuuang 1,543,230 doses ng Pfizer vaccine na bahagi sa kabuuang 2,730,780 ng Pifzer vaccine ang nakatakdang dumating ngayong araw.
Ang mga naturang bakuna na binili ng gobyerno ng Pilipinas ay sakay ng Emirates Airlines Flight EK 334 na lumapag sa Terminal-1 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kaninang alas singko ng umaga.
Sa bahagi ng 2.7-M ng Pfizer vaccine, inaasahan din darating ang 1,187,550 doses na lalapag naman sa NAIA Terminal-3 ng alas nuebe singko mamayang gabi.
Bukod dito darating din ang nasa kabuuang 1,531,000 doses ng Moderna vaccine na donasyon naman ng Germany.
Lulan naman ng flight EK332 na lalapag ng alas kuwatro ng hapon sa NAIA Terminal-3 ang mga naturang bakuna.
Matatandaan sa huling Talk to the People Address, una na rin tiniyak ni NTF Chief Implementer and Vaccine Czar Secretary Carlito G. Galvez kay Pangulong Rodrigo Duterte na sapat pa rin ang mga bakuna sa bansa kahit pinaikli ang interval ng booster shot ng 3 months.
Ayon sa kalihim kahit pa umabot sa 10 hangang 15 million na tao ang mabakunahan sa boosters ay kakayanin pa rin ito dahil napakalaki pa ng stockfile ng bakuna sa bansa.
Ani pa Galvez nasa 90 million doses pa ang nasa stockpile at meron pang padating na 15 million doses na bakuna.
Tiniyak din ni Galvez na kaya pang maka-sustain ang supply ng bakuna para sa vaccination program ng pamahalaan ng hanggang sa kalagitnaan ng taong 2022.
Nasa kabuuang 192,346,565 doses ng COVID-19 vaccine ang tinanggap na ng Piipinas simula Pebrero ng 2021.
Naniniwala din si Galvez na sa gagawing agresibong pagbabakuna sa mga mamayang Pilipino ang dadaig sa Omicron variant.
Nakita ni Galvez na kahit ang Delta variant ay natalo ng Pilipinas sa pamamagitan ng ginagawang pagsisikap na makapagbakuna pa ng maraming Pilipino.