‘BANNED’ na sa prison facilities ang apat na personnel ng Bureau of Corrections (BuCor) matapos nahuling may dalang cellphones sa kabila ng pagbabawal nito.
Ang malala pa ay hindi masasama ang mga ito sa anumang promosyon ayon kay BuCor Director General Pio Catapang Jr.
Noong Nobyembre 19, 2024 nang mag-umpisang ipatupad ng BuCor ang ‘No Cellphone Policy’ sa lahat na nasa loob ng kanilang mga opisina, piitan, at penal farms sa buong bansa.
Maging ang sinumang nasa loob din ng New Bilibid Prison camps.
Maliban pa rito, ipinagbabawal na rin sa loob ng lahat na prison facilities sa buong bansa ang paggamit ng social media.
Kung kinakailangan, tanging official BuCor emails gaya ng Gmail o Yahoo lang ang pinapahintulutang gamitin ng kanilang mga personnel.
Bilang tugon ito ng BuCor sa ulat na nananatiling active pa rin ang ilang mga preso sa Bilibid sa illegal drug trade kahit nakapiit na.