APAT na katao ang naaresto matapos na lumabag sa ipinatupad na gun ban na epektibong nagsimula nitong linggo, January 12, 2025.
Ayon sa PNP, ang apat ay nagmula sa BARMM, Region 12 (SOCCSKSARGEN), Region 6 (Western Visayas) at Region 3 (Central Luzon) kung saan nahulihan ang mga ito ng pistol at isang long firearm.
“4 na ang nahuli natin from Regions BARMM, 12 (SOCCSKSARGEN), 6 (Western Visayas) and 3 (Central Luzon) ang nahuli natin sa lumalabag ng COMELEC Gun Ban,” ayon kay Gen. Rommel Francisco Marbil, Chief, PNP
Samantala, kasabay naman ng opisyal na pagsisimula ng Election Period, pinaalalahanan ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga motorista at mananakay na habaan ang pasensiya sa daan dahil sa pinaigting na COMELEC Checkpoints katuwang ang PNP at AFP.
Mariing kinukondena rin ng COMELEC ang sobrang pagpapatupad ng mga awtoridad sa Checkpoints gaya ng pagbabawal sa paghalughog at pagpapababa ng mga pasahero sa sasakyan kung walang utos ang korte at walang kaukulang dokumento laban sa isang tao.
Tatagal ang Election Period hanggang June 12 matapos ang proklamasyon sa mga mananalong kandidato para sa Midterm Elections 2025.