4-linggong MECQ, magna-knockout sa COVID-19 surge – OCTA Research

NAKIKITA ng grupong OCTA Research Team na tuluyan lamang mana-knockout ang sumisirit na kaso ng COVID-19 kapag ipatutupad ang apat na linggong pagsasailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine o MECQ sa Metro Manila at karatig lalawigan.

“But really po if we want to end this and we want to slow this down to a manageable level, the worst surge in the country’s history ‘no as far as fighting this COVID-19 virus is concerned, then maybe an MECQ of 2 weeks will really do it ‘no. It will slow it down. For 4 weeks, it would really knock it out, we will knock it out,” pahayag ni Prof. Ranjit Rye, OCTA Research Team.

“Based doon sa nakita natin sa last year, na nag-MECQ tayo, normally it takes mga one month or four weeks bago natin makita iyong ano… mag-reversal to a downward trend,” ayon naman kay Dr. Guido David, OCTA Research Team.

Pero, dahil na rin sa matinding argumento ng economic cluster ng gobyerno, lumabas ang pinal na desisyon na isailalim na lamang sa mas istriktong GCQ ang NCR at kalapit na mga lalawigan dahil sa negatibong impact ng MECQ sa ekonomiya.

“Iyong NCR accounts for 32% of the economy – 1/3, so ibig sabihin kung hindi ganap na bukas iyong ekonomiya ng NCR, hirap po iyong ekonomiya natin,” pahayag ni Acting NEDA Secretary Karl Kendrick Chua.

Ayon pa kay Chua, lumabas na tumaas ang bilang ng mga nagugutom at nawalan ng trabaho sa gitna ng istriktong quarantine measures.

“We have been in lockdown or quarantine for a year at as a result, 3.2 million people or 23% of NCR people are hungry according to the SWS survey. There are also 506,000 jobless in NCR according to the Philippine Statistics Authority survey,” ani Chua.

Kung kaya, bilang konsiderasyon sa sitwasyon ng ekonomiya ng bansa, sinabi ng OCTA Research na ito ang rason kaya iminungkahi na lamang noong una ng grupo ang “soft MECQ.”

Sa ilalim nito, patuloy na bubuksan ang ilang negosyo pero sa limitadong kapasidad lamang habang ipagbabawal naman ang lahat ng social gatherings.

Sa kabila nito, may nakikita ring downward trend ang OCTA Reserach pagkatapos ng ipinaiiral na dalawang linggong mas istriktong GCQ sa NCR Plus.

Sa projection ng grupo, ang kasalukuyang reproduction number na 2.0 ay maaaring bumaba pa sa 1.5 sa loob ng dalawang linggo, mula Marso 22 hanggang Abril 4.

Sambit ni Dr. David, posibleng papalo na lamang sa 6,000 ang kaso ng COVID-19 sa NCR kada araw at posible pang bumaba sa 5,000 daily cases.

“Although siyempre, pataas pa rin iyong number of cases, we will still be at peak of around 6,000 cases sa NCR per day pero under the best case scenario, we could limit this to mga 5,000 cases kasi may upward push ka, so hindi natin maiiwasan iyan pero I think that’s the best we could hope for,” ayon kay David.

Inilahad naman ni Prof. Rye na walang imposible sa pagpapababa ng kaso kung lahat ng mga Pilipino ay magbayanihan o magtulong-tulong pagdating sa pagsunod sa minimum health standards.

Umaasa rin si Rye na magiging epektibo at matagumpay ang implementasyon ng stricter GCQ at hindi na hahantong pa sa MECQ.

“So, we are hoping that with all of these interventions currently being implemented that we will not anymore move to MECQ. We’re hoping that, well, let’s try to make this bubble work. But it would require incredible cooperation ‘no, high degree of cooperation between civil society, the private sector, and government,” ayon kay Rye.

Maliban dito, umaasa rin ang OCTA Research na hindi mapupuno ang mga ospital dahil oras na ma-overwhelm ang mga ito, kinakailangan nang magpatupad ng adjustments ang pamahalaan pagdating sa quarantine restrictions.

Kaugnay pa rin sa pagsipa ng kaso ng COVID-19 sa bansa, iminungkahi ng OCTA Research sa gobyerno at sa mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang T3 o ang Test, Trace at Treat Strategy.

(BASAHIN: Hospital occupancy sa NCR, malapit na sa critical level —UP OCTA)

SMNI NEWS