NASA kostudiya ng Philippine National Police (PNP) ang apat na lalaki na kasama sa 13 suspek na nanghalay sa isang 15-anyos na babae sa Oslob, Cebu.
Kinilala ang mga suspek na sina Luis, Cyrill, Tristan, at Kent.
Nahuli ang mga suspek mula sa Brgy. Casay, Dalaguete, Cebu kasunod ng isinagawang operasyon laban sa mga suspek gamit ang CCTV footage at panayam sa mga nakasaksi.
Ayon sa imbestigasyon, Disyembre 9, 2024 nang gabi habang nakaupo si Analyn sa isang bahagi ng Cuartel Heritage Park sa Brgy. Poblacion, Oslob sa kasagsagan ng piyesta sa lugar nang may lumapit sa kaniya na grupo ng mga lalaki at inalok siya ng inumin.
Nakaranas si Analyn ng pagkahilo at dito na sinamantala ng mga suspek ang pagkakataon at dinala siya sa isang masukal na lugar at dito na ginawa ang panghahalay.
Disyembre 12, tatlong araw pagkatapos na hindi makita si Analyn, nagawa pa nitong makauwi sa kanilang bahay at nagtungo pa ito sa Oslob Municipal Police Station para magsumbong sa nangyaring gang rape sa kaniya.
Ayon sa ulat ng magulang ng biktima, umuwing maraming pasa sa katawan at hita si Analyn at nagsusuka ito ng dugo.
Kinabukasan din ay biglang nanigas ang katawan ni analyn at idineklara ding dead on arrival sa tinakbuhang ospital.
Ayon sa nagpapatuloy na imbestigasyon, pawang mga bisita sa lugar ang mga lalaking suspek.
Agad na sinampahan ng kasong statutory rape at homicide ang mga suspek habang nakakulong ito sa CIDG Regional Field Unit 7.
Patuloy pang inaalam ng PNP Cebu ang totoong bilang ng mga suspek na sangkot sa panghahalay sa dalagita habang kinukuhanan pa ng dagdag na impormasyon ang mga nahuling suspek.
Sa ngayon, hustisya pa rin ang sigaw ng mga magulang at kaanak ni Analyn na hindi na maipagpapatuloy ang mga pangarap nito para sa kaniyang kinabukasan.