WAGI ang Philippine Jiu-Jitsu team sa 7th Asian Jiu-Jitsu Championship sa Bangkok, Thailand kung saan nakasungkit ito ng 4 na gintong medalya at 2 bronze medals.
Dahil dito ay naging 2nd overall champion ang Pilipinas sa nasabing patimpalak.
Kabilang sa mga nagwagi sa adults division Jiu-Jitsu female 48 kilogram si Meggi Opchoa na nakakuha ng ginto, Kaila Napolis sa 52 kilogram event na nakakuha rin ng ginto, Annie Ramirez sa 57 kilogram na nakakuha ng ginto at Dylan Valmores sa 70 kilogram na nag-uwi rin ng gintong medalya.
Pareho namang nakakuha ng bronze medal si Marc Alexander Lim at Andrea Lois Lao para sa 69 kilogram at 63 kilogram event.
Sa panayam ng SMNI News sa isa sa nagwagi ng gintong medalya na si Dylan Valmores inihayag nito na masaya siyang nakapag-representa siya para sa Pilipinas sa larangan ng Jiu-Jitsu.
Ayon kay Valmores, hindi basta-bastang training ang kanyang dinaanan para makamit ang tagumpay na ito sa Thailand.
Malaki naman ang pasasalamat ni Valmores sa kanyang pamilya na todo suporta sa bawat laban na kanyang nilalahukan, malaki rin ang pasasalamat niya sa Panginoong Diyos sa patuloy na pagbibigay ng pag-asa sa kanya kahit na minsan ay gusto na niyang bumitaw sa isports na ito.
Samantala, mayroon namang mensahe si Valmores mga kabataang Pinoy na naghahangad na makapag-representa rin sa Pilipinas balang araw.