INILIPAT na ang apat na international airlines sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal-3 mula Terminal-1 simula araw ng Huwebes, Hunyo 1, 2023.
Sa ilalim ng Schedule and Terminal Assignment Rationalization (STAR) program ng Manila International Airport Authority (MIAA), inilipat na sa NAIA Terminal-3 ang Gulf Air, Jeju Air, Thai Airways at Ethiopian Airlines mula sa Terminal-1.
Layunin ng programang ng MIAA ay para matiyak na mas mabibigyan ng kaginhawaan ang mga pasahero at ma- decongest rin ang NAIA Terminal-1.
Naabutan ng SMNI News Team sina Josie at Regine na pawang nagtratrabaho sa abroad na nakapila para mag check in sa Gulf Air.
Para sa kanila, hindi naman sila nahirapan at agad naman naabisuhan sa bagong terminal assignment ng naturang airlines.
Para sa Gulf Air, mas maganda na ang pasilidad ngayon ng naturang airlines kumpara sa Terminal-1.
Ayon sa MIAA, ang unang yugto ng STAR program ay ipinatupad nitong Abril 16, kung saan apat na ruta ng Philippine Airlines ang nailipat sa NAIA Terminal-1 habang ang China Southern, Jeststar, Scoot, at Starlux ay lumipat na sa Terminal-3 mula Terminal-1.
Higit 3-K pasahero ang sumakay sa mga naturang flights na apektado ng bagong terminal assignment.
Naniniwala ang MIAA sa ilalim ng STAR program na makatutulong ito para maibsan ang dagsa ng mga pasahero sa NAIA terminals.
Sa Hunyo 16 ngayong taon ay magsisimula nang mag-operate ang lahat ng international flights ng Philippine Airlines sa NAIA Terminal-1 habang ang lahat ng domestic flight ng AirAsia at RoyalAIr ay magsisimula na ring mag -operate sa Terminal-2 mula sa
Terminal-4.
Aminado rin ang MIAA sa mga nangyayaring bagong terminal assignment na may mga hinaharap din silang kaunting problema, pero sa pamamagitan ng STAR program ay agad mabibigyan ito ng resolba.
Ayon sa MIAA, sa ngayon ay nasa 120k-130k na mga pasahero ang dumadagsa bawat araw sa NAIA terminals mapa international, domestic arrival, at departure.