40-M Pilipino, wala pa ring access sa malinis na tubig

40-M Pilipino, wala pa ring access sa malinis na tubig

40 milyong Pilipino ang nananatiling walang access sa malinis na tubig.

Karamihan sa mga ito ay mula sa Mindanao kung saan halos nasa komunidad ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Karaniwang pinagkukunan ng tubig ng 40 milyong tinaguriang ‘under-served’ ay sa pamamagitan ng flowing water, mga creek at tubig-ulan.

Naibahagi pa ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga sa pulong sa Malakanyang na ang mga residenteng ito na walang sapat na suplay ng tubig ay kadalasang sumasakay sa motorbanca upang kumuha ng tubig sa pinakamalapit na isla.

Sa press briefing sa Malacañang nitong Martes, sinabi ni DENR Undersecretary Carlos Primo David na may mga estratehiya ang ahensiya para mabigyan ng sapat na supply ng tubig ang 40 milyong indibidwal na karamihan ay naninirahan sa BARMM.

Sinabi ni David na isa sa mga estratehiya na nasa isip nila para sa maliliit na island barangays at iba pang coastal areas ay ang pagbibigay sa kanila ng suplay ng tubig sa pamamagitan ng tinatawag na desalination process, ito ay ang conversion ng seawater sa freshwater.

‘‘Para siyang pangsala na kung saan ay through pressure ay pipilitin na pumasok iyong tubig dito sa membrane na ito at maiwan dahil maliliit lang iyong butas noong filter – maiwan ang lahat ng salt at ang lalabas lang ay iyong fresh water,’’ ayon kay Usec. Carlos Primo David, DENR.

Nang tanungin kung ang desalinated water ay ligtas na inumin, ani David, ito ay kasalukuyang ginagamit sa mga bansa sa Gitnang Silangan at ilang bahagi ng Estados Unidos kung saan walang sapat na suplay ng freshwater.

Sinabi rin ni David na mayroon na silang listahan ng 65 island barangays kung saan sisimulan nila ang proseso ng desalination.

Ang modular desalination systems ay kasinlaki lang ng container van at hanggang 500 pamilya ang maseserbisyuhan ng bawat desalination plant.

Nagkakahalaga ng P5-M – P8-M ang kada planta.

Pagpapaunlad ng multipurpose dams, ipinag-utos ng Malakanyang

Samantala, ipinag-utos ng Malakanyang ang patuloy na pagpapaunlad ng mga dam ng National Irrigation Administration (NIA) para sa irigasyon sa agrikultura, suplay ng sariwang tubig, suplay ng kuryente, at kontrol sa baha.

Sa kaparehong briefing, inihayag ni NIA Administrator Eduardo Guillen na isang halimbawa ang Pantabangan Dam sa multipurpose dams na kanilang tinututukan.

‘‘Huwag na tayong lalayo. Ito na lang sa ating Pantabangan Dam. Actually, mag-50 years na ‘yan sa September. Ang laki po ng impact sa atin niyan. In fact, last year, nagkaroon tayo ng malalaking bagyo ‘no kagaya kay Egay, Falcon. Hindi ho nag-release ang Pantabangan Dam ng tubig. So, imagine, ang effect sa Central Luzon kung wala iyong Pantabangan Dam,’’ pahayag ni Eduardo Guillen, Administrator, NIA.

Inilahad din ni Guillen na kinausap na niya si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manny Bonoan na magtulungan sa mga proyekto sa dam.

Nais nilang pagsama-samahin ang resources ng kanilang ahensiya para sa ikabubuti ng dam projects at makatipid sa implementasyon nito.

Kasama ito sa natalakay sa sectoral meeting na kabilang sa usapin ng water resources and management ng bansa.

Nabanggit sa pulong ang kahalagahan ng integrated water resource masterplan at pamamahala ng mga yamang tubig sa panahon ng El Niño at maibsan ang pagbaha sa panahon ng La Niña.

Ang DPWH, ay iprinisenta naman ang flood control management programs ng ahensiya.

‘‘I think we have to integrate our flood control management programs with the other sectors so that the water that we manage in the flood control do not go to the sea indirectly and to the extent possible that we have to conserve and utilize it for the other purposes like for irrigation, water supply and power, if necessary,’’ ayon naman kay Sec. Manuel Bonoan, DPWH.

Para sa 2024, ayon sa DPWH Chief, nasa mahigit P300-B ang kabuuang budget ng departamento para sa flood control projects sa parehong foreign-assisted at locally funded.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble