4,512 na fix vaccination sites, naitala na sa Pilipinas

NAKAPAGTALA na ang gobyerno ng 4,512 na fix vaccination sites kungsaan gaganapin ang immunization kontra COVID-19.

Ito ang ibinahagi ni Health Secretary Francisco Duque III sa naganap na pagdinig sa Senado nitong Lunes patungkol sa vaccination program ng bansa.

Ayon kay Duque, gagamitin bilang fix vaccination sites ang mga existing na medical center at rural health facility ng bansa at ihahalintulad ang ayos nito sa mga election poll site.

Ang bawat vaccination team ay bubuuin ng anim na manggagawa kabilang na ang isang physician, nurse o midwife na magiging in-charge sa screening at assessment; isang allied professional o volunteer para sa health education; isang doctor or nurse o midwife na magbabakuna; at dalawang health worker o volunteer mula sa mga partner agencies na nakatakda para sa documentation at pagkuha ng vital signs.

May tatlong team ang bawat vaccination site. Isang daang pasyente naman kada araw ang target na mabakunahan ng bawat team.

May limang proseso rin ani Duque ang vaccination kabilang na ang registration, pre-vaccination education at counseling; screening lakip na ang pagsuri sa medical history ng volunteer, vaccination at issuance ng immunization card, at ang post-vaccination monitoring at surveillance.

Target naman ng pamahalaan na makapagbakuna ng 50 hanggang 70 milyong katao ngayon taon.

SMNI NEWS