49 health worker ng isang hospital sa Olongapo, sabay-sabay na tinamaan ng COVID-19

49 health worker ng isang hospital sa Olongapo, sabay-sabay na tinamaan ng COVID-19

SABAY-sabay na nahawaan ang halos nasa 50 health worker ng James L. Gordon Memorial Hospital sa Lungsod ng Olongapo matapos magpositibo sa COVID-19 ang isang pasyente na sumailalim ng dialysis nitong nakaraang linggo.

Kabilang sa nahawaan ng COVID-19 ang 17 na mga doktor at 32 na mga nurse sa nasabing ospital habang kasalukuyan namang naka-quarantine ang natirang mga health workers.

Batay sa salaysay ni Dr. Jewel Manuel, hepe Ng JLGMH, ikinalungkot nito ang pangyayari dahil sa pagkaantala ngayon ng kanilang operasyon.

Kinakailangan pa na i-swab test ang mga doktor at mga nars at kailangang obserbahan sa loob ng 14 na araw.

Ayon Kay Dr. Manuel, isang pasyente ang nagtungo sa kanilang ospital para magpa-dialysis nitong nakaraang Agosto 13.

Sa ikalawang balik nito, Agosto 15 idinaan ang pasyente sa isang swab test at dito nalaman na nagpositibo sa COVID-19 ang pasyente.

Agad na nilapatan ng lunas ang pasyente sa isang ward sa mismong hospital sa Olongapo.

Pero ayon sa pamunuan ng ospital dahil sa malawak na exposure ng pasyente sa mga health workers, apektado ngayon ang nasa 75% ng work force ng mga doktor sa ospital.

Habang 30% ng manpower mula sa mga nurses ay apektado rin.

Mula dito, napagdesisyunan ng JLGMH na i-lockdown muna ang ospital.

Kasama din sa ipasasara pansamantala ang dalawang kwarto ng surgery ward, medical ward at buong dialysis center ng ospital para sa disinfection.

Nasa ilalim ngayon ng monitoring ng National Task Force ang kakagayan ng mga health workers sa nasabing ospital.

Ito’y sa gitna ng kakulangan pa rin ng mga doktor at nars na nag-aaplay bilang katuwang sa mga pabukas na pasilidad para sa mga pasyente ng COVID-19 sa iba’t ibang panig ng bansa lalo na sa Kalakhang Maynila.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.