7 iba’t ibang uri ng armas ang narekober ng mga tropa ng 65 Infantry Battalion (IB) sa ilalim ng 901 Infantry Brigade bunga ng isinagawang military operations sa Agusan del Sur at Bukidnon.
Ayon sa impormasyon, nasa 20 na miyembro ng communist terrorist group ang nakasagupa ng militar sa magkahiwalay na operasyon nito sa dalawang probinsiya nitong Sabado, Nobyembre 25, 2023 na kinabibilangan ng tinatawag na North Eastern Mindanao Regional Committee (NEMRC) sa liblib na lugar ng Brgy. Sta Cruz, Sibagat, Agusan del Sur alas-11:00 ng umaga.
Habang nasa 5 CNT naman ang nakaengkuwentro din ng mga sundalo ng 403rd Infantry Brigade, sa Brgy. Mampayag, Manolo Fortich, Bukidnon kung saan lahat ng mga ito ay kusang sumuko sa pamahalaan na pawang mga miyembro ng sub-regional committee-5 and headquarters force neo sa ilalim ng North Central Mindanao Regional Committee (NCMRC).
Isinuko rin ng mga ito sa pangangalaga ng militar ang kanilang mga ginagamit na armas gaya ng AK47 rifles, M16 rifles, at M14 rifle.
Inamin ng mga dating rebelde na pahina na nang pahina ang kanilang hanay dahil sa kawalan ng suporta ng kilusan habang tinatapatan sila ng tuluy-tuloy na military operations ng pamahalaan.
Ayon kay Joint Task Group (JTF) Diamond and 4ID commander Major General Jose Maria R. Cuerpo II, umaasa sila na tuluyan nang makakabalik sa lipunan ang mga natitira pang mga rebelde sa ngalan ng kapayapaan at pagkakaisa lalo pat epektibo na ngayon ang administrative order ng pangulo sa paggawad ng amnestiya sa mga nagbabalik na bumalik sa poder ng gobyerno.