5.7% na GDP growth, maganda lang sa papel; Tunay na nakikinabang, mga mayayaman lamang—ekonomista

5.7% na GDP growth, maganda lang sa papel; Tunay na nakikinabang, mga mayayaman lamang—ekonomista

BAGAMA’T napakainit ng panahon ngayon dulot ng El Niño, napakatumal ng ibinibentang mga softdrink at tubig ni Aling Josephine.

Kaya mula aniya sa higit P2,000 na kinikita niya noon, nasa higit-kumulang P1,000 na lang ang kinikita niya ngayon mula sa pagtitinda sa isang bus stop sa Quezon City.

“Isang kahon lang nauubos namin. Dati nakakaubos pa kami ng tatlo. Ngayon isang kahon na lang. Sa hirap ng buhay, siguro mahirap ang hanap buhay, mahirap kumita ng pera. Kasi kailangan tipid eh,” ayon kay Josephine Torre Pableo, nagtitinda.

Mahirap nga talaga ang buhay ngayon sabi ni Mang Samuel.

Bagama’t tumaas aniya ang kaniyang kita sa pagtitinda ng buko juice ay bawing-bawi naman aniya ito sa sobrang taas ng presyo ng mga bilihin, kuryente, at tubig ngayon.

“Medyo minsan kinakapos po eh. Kasi po may dalawa po akong ginagatas. Kaya medyo kulang po eh. Hirap talaga sir. Kailangan talagang kumayod,” ayon naman kay Samuel Deong, nagtitinda.

Gaya ng karamihan, hindi naniniwala si Aling Josephine at Mang Samuel na gumaganda ang ekonomiya.

Ito ay sa kabila ng paglago ng ekonomiya sa 5.7% nitong unang quarter ng 2024. Iyan ay mas mabagal sa 6.4% na GDP growth sa kaparehong quarter ng 2023.

Para sa isang ekonomista, hanggang sa papel lang maganda ang 5.7% na GDP growth ng Pilipinas.

Sinabi ni Dr. Michael Batu, hindi kasi iyan ramdam ng mga ordinaryong Pilipino.

“Ang iniisip nila ‘yung mataas na presyo ng bilihin, ‘yung mababang sahod. Sa madaling sabi lumalago ang pangkalahatang ekonomiya pero hindi nagta-translate ‘yung growth na iyan papunta sa ordinaryong mamamayan. Sa madaling sabi, kung mayroon mang nakakaramdam sa paglago ng ating ekonomiya ay iilang sektor lamang ng ekonomiya. Halimbawa ‘yung mga kapitalista, ‘yung mga mayayaman, ‘yung mga namumuhunan, sila ang nakikinabang dito,” ayon kay Dr. Michael Batu.

Paglago ng ekonomiya ng bansa, apektado ng mataas na bilihin at El Niño

Apektado ang paglago ng ekonomiya ng bansa dahil sa mataas na inflation at sabayan pa ng nararanasang El Niño.

Dahilan din iyan para bumaba ang household final consumption expenditure o ang paggasta ng mga Pilipino sa unang bahagi ng taon na nasa 4.6%.

Pero sa kabila nito ayon ka National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, nanatili pa rin aniyang maganda ang takbo ng ekonomiya ng Pilipinas kung ikukumpara sa mga karatig-bansa sa Southeast Asia.

“This performance retains the country’s position as a leading force among Asia’s emerging economies. Our first quarter GDP growth rate is about the same as Vietnam’s, surpassing other major economies such as China at 5.3%, Indonesia at 5.1%, and Malaysia at 3.9%,” ayon kay Sec. Balisacan, NEDA.

“Lamang nga tayo sa paglago ng ekonomiya sa ibang bansa ano pero hindi naman ito ramdam ng ating mga kababayan lalo na ‘yung ating mga kababayang mahihirap, eh balewala lang itong mataas na paglago sa ating ekonomiya dahil iilan lang po ang nakikinabang,” saad naman ni Dr. Batu.

Mataas na bilihin at kakulangan ng trabaho, dapat unahin—ekonomista

Payo ni Dr. Batu sa Marcos government na mas pagtuunan ng pansin ang pagbibigay solusyon sa mga problemang malapit sa bituka ng mga Pilipino tulad ng mataas na presyo ng mga bilihin at kakulangan ng mga maayos na trabaho.

Napapansin ng ekonomista na mas inuuna ng gobyerno ang ibang mga isyu tulad ng sigalot sa West Philippine Sea na nagdudulot ng mataas na geopolitical risk sa rehiyon.

Tiniyak naman ng NEDA na nakatuon ang gobyerno sa pagpapadami ng investment at mga kalidad na trabaho sa bansa sa pamamagitan na pagpapaunlad ng mga tourism infrastructure project, pagdevelop ng mga bagong tourism site, pagpapatayo ng mga pabahay at mga proyektong pangtransportasyon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble