IPINAG-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang ‘renaming’ o pagpapalit ng pangalan ng limang kampo at tatlong real properties ng Philippine National Police (PNP).
Batay sa Proclamation No. 429, ipapangalan na ang limang PNP camps kasunod sa mga magigiting at dakilang PNP officers sa kani-kanilang lugar.
Kasama rito ang Camp Brigadier General Ludovico Padilla Arejola sa Pasacao, Camarines Sur; Camp Captain Salvador Jaucian del Rosario, Sr. sa Bicol; Camp Colonel Juan Querubin Miranda na dating Camarines Sur Police Provincial Office; Camp Police Max Jim Ramirez Tria na dating 504th Maneuver Company Regional Mobile Force Battalion 5; at Camp Brigadier General Efigenio C. Navarro na dating Camp Efiganio C. Navaro, Police Regional Office MIMAROPA Headquarters.
Kung matatandaan, si Tria ay isa sa PNP Special Action Force officers na nasawi sa Mamasapano Massacre noong taong 2014.
Batay naman sa Proclamation No. 430, papangalanan ang tatlong PNP real properties bilang Camp General Paulino T. Santos sa Police Regional Office 12; Camp Private Andres P. Dadizon sa Police Regional Office 8; at Camp 2nd Lieutenant Carlos Rafael Pax Imperial sa Police Regional Office 5.
Ayon kay Pangulong Marcos, nararapat lang na ipangalan ang PNP camps at real properties sa bawat naging dakilang police sa kanilang lugar dahil sa hindi matatawarang serbisyo rito para sa publiko.