INANUNSIYO ng pamahalaan na magsasagawa ng National COVID-19 Vaccination Days Part 3 o kilala bilang Bayanihan, Bakunahan Part III.
Ayon kay acting presidential spokesperson at cabinet secretary Karlo Nograles, gagawin ito bukas, Pebrero 10 hanggang Pebrero 11.
Kabilang sa babakunahan ang nasa edad labing dalawa (12) at pataas na eligible para sa primary dose at booster shot.
Kaugnay nito, mas maraming vaccination sites ang itatayo sa lahat ng mga rehiyon at papayagan din ang walk-in inoculations.
Sinabi naman ni Dra. Kezia Rosario, Co-Lead ng National Vaccination Operations Center na target ng pamahalaan na makapagbakuna ng limang milyong indibdwal (5-M) para sa Bayanihan, Bakunahan Part III.
Ani Rosario, kasama na rito ang booster doses at ang primary doses ng COVID-19 vaccines.
“So, ang sinabi natin at least 3 months ‘no, from their second dose for the two-dose series, and then two months for the sequel dose series ‘no, puwede na sila mabigyan ng booster. Ngayon may 28 million tayo, so, talagang kailangan pa nating taasan ‘yung pagbabakuna natin ng ating mga booster doses,” pahayag ni Dr. Rosario.
Dagdag pa ng Dr. Rosario, hinahanda nila sa pagbabakuna para sa Bayanihan Bakunahan Part 3 ang lahat ng sektor partikular sa economic sectors kasama din ang general public.
Samantala, naglabas na ng Memorandum Circular ang Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay dito.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, kasama sa guidelines ang pagpaparami pa sa bilang ng vaccination sites at pagsisiguro sa maayos at tamang distribusyon ng vaccines.
Muli namang hinikayat ng pamahalaan partikular ng Department of Health (DOH) ang publiko na magpabakuna na laban sa COVID-19.