LIMANG New People’s Army (NPA) na may limang matataas na kalibre ng baril ang sumuko sa Mountain Province, habang walong tagasuporta naman ng komunistang terorista ang tumiwalag sa kanilang pagiging Milisya ng Bayan.
Naging hudyat sa mga sumukong rebelde ang pagkamatay ng mga kasamahang nito na miyembro ng KLG-AMPIS kasabay na rin sa pagkamatay ng notorious na NPA leader na si Ka Oris.
Matapos ang pagkamatay ng dalawang miyembro ng Komiteng Larangang Guerilla – Abra-Mountain Province-Ilocos Sur (KLG-AMPIS), sa isang armadong engkwentro, lima sa mga miyembro nito ang sumuko sa gobyerno noong Nobyembre 2 at Nobyembre 3.
Ayon kay Brigadier General Luis Rex D. Bergante, Acting Commander ng 7th Infantry (KAUGNAY) Division, tatlong regular na NPA at dalawang miyembro ng KLG-AMPIS ang sumuko sa otoridad.
Ang tatlong regular na miyembro ng NPA ay mga residente ng Besao, Mt. Province na sumuko kasama ang M14; M16A1; Arisaka 7.7mm rifle; at mga bala.
Habang ang dalawang NPA na kabilang sa KLG-AMPIS ay mga residente ng Lacub at Tubo, Abra na sumuko rin dala ang isang M16 rifle, limang magazine, 69 na bala, at isang bandoleer at isang Elisco M635 Rifle at isang short magazine.
Samantala, iniugnay ni BGen Bergante ang maramihang pagsuko KLG-AMPIS ay dahil sa walang sawang pagsusumikap ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict – CAR, ang pagpapatupad ng joint AFP-PNP Community Support Program, at ang malakas na suporta mula sa pamayanan.
Binanggit din ni BGen Bergante ang matagumpay na combat operations ng mga tropa na humantong sa pagkamatay ng pinuno ng KLG-AMPIS at intelligence officer nito na nagsasabing malapit na ang mistulang pagbagsak ng armadong grupo.
“Malaking dagok talaga ang pagkamatay ng dalawang matataas na opisyal ng armadong grupo. Sa mga natitirang miyembro ng NPA, ito na ang pagkakataon na sumuko kayo. May magagandang oportunidad ang naghihintay sa inyo. The doors of opportunity are open kaya naman huwag nang magdalawang isip at sumuko na kayo bago mahuli ang lahat,” ayon kay Bergante.
8 NPA militia ang sumuko sa Agusan Del Norte
Samantala, may kabuuang walong tagasuporta ng komunistang NPA na nagsisilbing Milisya ng Bayan (MB) sa kanilang lokalidad ang sumuko sa pulisya sa bayan ng Carmen, Agusan del Norte noong Nobyembre 3.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ni Brig. Gen. Romeo Caramat Jr., direktor ng Police Regional Office – Caraga (PRO-13), ang pagkamatay kamakailan ng lider ng NPA na si Jorge Madlos, alyas Ka Oris, ay isa sa mga dahilan kung bakit napilitan ang walong MB na sumuko sa mga awtoridad.
“They told us during the custodial debriefing that they chose to withdraw their support to the communist movement and surrender after hearing on the death of Ka Oris,” pahayag ni Caramat Jr.
Dagdag pa ni Caramat, dininig din ng walong MB ang panawagan ng gobyerno na sumuko para iligtas ang sarili sa sinapit ni Madlos.
Kinilala ni Caramat ang walong sumuko sa kanilang mga alyas na sina Erwin, Marie, Jokoy, Mirang, Ruby, Emma, Mark, at Franco.
Ang walong sumuko, ay nagbigay ng suporta sa mga natitirang rebelde ng Guerilla Front 4A (GF-4A) na kumikilos sa mga bayan ng Las Nieves, Buenavista, Nasipit, at Carmen sa Agusan del Norte.