NASAWI ang isang limang taong gulang na batang babae dahil sa accidental firing o aksidente umano nitong nabaril ang sarili.
Nabatid na ang biktima ay solo o nag-iisang anak ng isang police master sergeant na nakatalaga sa Northern Police District.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Caloocan City PNP, naganap ang insidente sa loob mismo ng kanilang kotse.
Papaalis na sana ang mag-ama mula sa kanilang bahay sa Caloocan City para sunduin ang nanay ng bata pero bago umandar ang sasakyan ay bumaba sa kotse ang pulis at bumalik sa bahay dahil naiwan niya ang kaniyang cellphone.
Mula naman sa bahay at pabalik na sa kotse ay nakarinig ng putok ng baril ang pulis kaya dali-dali niyang binuksan ang pinto ng kotse pero laking gulat niya nang nakitang nakahandusay ang duguang anak na nagtamo ng tama ng bala sa bibig.
Agad namang isinugod ng tatay na pulis ang kaniyang anak sa pinakamalapit na ospital sa Quezon City pero binawian na ito ng buhay.
Lumitaw sa imbestigasyon na posibleng pinaglaruan ng bata at aksidenteng nakalabit at pumutok ang caliber 40 na personal na baril at nakarehistro sa pangalan ng pulis.
Gayunman ay nagpapatuloy pa rin ang mas malalim na imbestigasyon sa insidente.