50% capacity sa religious gatherings, aprubado na ng IATF

SIMULA Pebrero 15, pinapayagan na ang 50% capacity para sa religious gatherings sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque batay sa naging desisyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases matapos ang kanilang pagpupulong kagabi.

Sa kasalukuyan, nasa 30% lamang ng seating capacity ang pinapayagan sa religious gatherings sa Metro Manila.

Sa ngayon kabilang sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ status ang Cordillera Administrative Region, Tacloban City, Davao del Norte, Lanao del Sur, at Iligan City.

Samantala, maliban dito, ani Roque, inaprubahan din ng IATF ang muling pagbubukas ng ilang industriya tulad ng traditional cinemas; driving schools; video at interactive-game arcades; libraries, archives, museums, at cultural centers; conferences at exhibitions, meetings, incentives, at limited social events sa mga credited establishments ng Department of Tourism o DOT.

SMNI NEWS