NASA mahigit isang daan na ang kasalukuyang binuksan na ruta ng Public Utility Vehicles (PUVs) sa National Capital Region (NCR).
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) board member Atty. Mercy Jane Paras-Leynes na patuloy ang pag-aaral ng ahensiya para i-evaluate ang iba pang ruta na hindi pa nabuksan.
Base sa napag-usapan sa pulong, sinabi ng opisyal na inaasahang magbubukas pa ang LTFRB ng 50 karagdagang ruta sa Metro Manila.
“Sa mga nakaraang meeting po namin, ang pagkakaalam ko po ay maglalabas po tayo ulit, siguro po mga around 50 additional routes po ang io-open natin. Kung kakayanin po nitong linggong ito ay ilalabas po natin iyan,” pahayag ni Paras-Leynes.
Samantala, ibinahagi ng LTFRB ang mga hakbang para matulungan sa hanapbuhay ang PUV operators at drivers.
Sa katunayan aniya, inaksyunan na ng LTFRB ang mga petisyon para itaas ang pasahe sa iba’t ibang pampublikong sasakyan.
Kaugnay nito, iginiit ni Paras-Leynes na hindi band-aid solution ang inaprubahang taas-pasahe.
“Band-aid solution? Hindi ko masasabing band-aid solution iyong nilabas nating fare increase na approval dahil ito ay permanent ‘no,” aniya pa.
Binigyang-diin ng opisyal na ang fare increase ay isang hakbang para sa solusyon doon sa pangkahalatan na problema sa transportasyon.
Dito aniya sinimulan ang hakbang para tulungan na maiangat at maibalik sa normal ang operasyon ng public utility service.
Itoy lalo’t ipatutupad na ang full face-to-face classes sa Nobyembre at magbubukas na rin ang iba pang mga sektor.
Maliban dito, mayroon ding mga pinag-aaralan na mungkahi hinggil sa pagdagdag ng taon sa franchise validity ng PUVs.
Saad ni Paras-Leynes, 2 taong hindi nakapasada ang ibang PUVs dahil sa epektong dulot ng pandemya.
“So pinag-aaralan natin kung maaaring i-waive natin iyong penalties para doon sa hindi nila pagkakapasada ng dalawang taon. At para mabawi rin iyong panahon na iyon, baka magdagdag tayo, kinu-consider ngayon na magdagdag tayo ng additional years sa kanilang franchise validity,” dagdag ni Paras-Leynes.