TARGET ng Philippine Statistics Authority (PSA) na maipadala na ang mahigit sa 50 milyong national ID bago matapos ang kasalukuyang taon.
Ito ang sinabi ni PSA Usec. Claire Dennis Mapa sa pagdinig ng Senate Committee on Finance sa budget ng National Economic and Developmental Authority (NEDA) at attachéd agencies, sa pag-uusisa ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa kalagayan ng ipinatutupad na National ID system ng bansa.
Inusisa ni Pimentel kung bakit maraming Filipino pa ang hindi nakakatanggap ng kanilang national ID gayung matagal nang nagparehistro, maliban pa sa pagtitiyak sa PSA na ligtas ito at hindi mapepeke.
Sinabi ni Mapa na para mapabilis ang pamamahagi ng national ID ay sabay na ipadadala ng PSA ang physical ID at electronic ID na maaaring makuha sa mobile phone at maaaring i-print.
Aniya, konti na lamang ang hindi naipadadalang ID at bago matapos ang taon ay tinitiyak ng PSA na lahat ng ID ay matatanggap na ng mga Filipino sa buong bansa.
Ayon pa kay Mapa, mabilis ang pagpaparehistro, at noong nakarang taon ay nasa 53 milyon na ang naipamahagi ng PSA dahil sa 250,000 kada araw ang pagpi-print ng ID, maliban pa sa tulong ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa kasalukuyan aniya ay nasa 73.7 milyong Filipino ang nakatanggap na ng kanilang mga national ID at bago matapos ang taon ay makukumpleto na ito.
Tiniyak naman ni Mapa na hindi mapepeke ang national ID dahil sa nasa PSA ang civil registration at mahigpit na bineberipika nito ang mga dokumento at inclusive aniya ang national ID na tanging mga Filipino lamang ang mabibigyan ng nito.
Sa oras aniyang matapos maibigay ang lahat ng ID ay isusunod na bibigyan ang mga resident aliens.