ILAN sa mga lokal na opisyal ng Aklan ang tila naalarma sa talamak na korapsiyon sa ilalim anila ng Miraflores political dynasty.
Ito’y may kaugnayan sa monopolya nito sa infrastructure projects ng bayan.
Ilan sa mga reklamo ang delay sa suplay ng mga buhangin at bato na ginagamit para sa mga kalsada at tulay na hanggang ngayon ay hindi matapos tapos at malaking abala sa daloy ng trapiko.
Ayon sa isang public official na tumangging magpabanggit ng pangalan, abuso na ang ginagawa ng Miraflores political dynasty.
“The politicking and abuse of power by the Miraflores dynasty in Aklan is not only bad governance but also detrimental to the safety and welfare of Aklanons,” saad ng opisyal.
Nabatid na higit anim na buwan nang delay ang mga proyekto sa Aklan dahil sa pagmamanipula ng naturang pamilya.
Nakakakalap din ng impormasyon ang ilang opisyal na binabantaan diumano ng pamilya Miraflores ang mga kontraktor na hindi pumapabor sa kanila.
Sa kasalukuyan, nasa 50 national road and infrastructure projects ang hindi magagawa dahil kinokontrol ng pamilya Miraflores ang sand and gravel supplies, quarry permits at iba pa.
“In addition, these delays have resulted in undisbursed infrastructure funds allocated by the General Appropriations Act (GAA) 2024 for the Department of Public Works and Highways (DPWH) projects in West Aklan, impacting economic growth and public safety in the region,” saad ng opisyal.
Magpapasaklolo na umano ang local officials sa national government partikular na kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at national government agencies na busisiin ang mga proyekto sa Aklan.
Nilabag din anila ang kamakailang Bagong Alyansa Agreement na nilagdaan ng limang pangunahing political parties, na nagtataguyod ng malinis na pamahalaan kasama na ang partidong kinabibilangan ng pamilya.
Naganap pa ang pagpirma sa kasunduan sa harap mismo ni Pangulong Marcos Jr.
Nakatakdang tumakbo sa apat na posisyon ang pamilyang Miraflores— ang amang si Joeben sa pagka-Congressman, inang si Ma. Lourdes, bilang 2nd nominee ng USWAG Party-list, at dalawang anak sa pagka-Gobernador at Mayor sa Aklan.
“Our top priority is the safety of our constituents. The roads and bridges in Aklan are lifelines for our people, and any abuse of power that endangers public welfare must be addressed,” saad ng opisyal.