50% ng tourist bookings sa Puerto Galera nagkansela dahil sa maling abiso kaugnay sa oil spill—Sen. Tolentino

50% ng tourist bookings sa Puerto Galera nagkansela dahil sa maling abiso kaugnay sa oil spill—Sen. Tolentino

IKINABAHALA ng lokal na pamahalaan ng Puerto Galera na lubhang apektado ang kanilang tourism industry sa maling abiso na inilabas ng UP-Marine Science Institute (UP-MSI).

Ito ang inilahad ni Senator Francis Tolentino sa isang press conference sa Aklan kamakailan.

Ani Tolentino, idinulog sa kaniya ang pangyayari kung saan 50% ng mga expected tourist ng Puerto Galera ang nagkansela ng kanilang advance booking sa mga hotel matapos mabasa ang advisory ng UP-MSI na umabot na ang Mindoro oil spill sa kilalang tourist spot, na hindi naman aniya totoo.

“Itong UP Marine Institute issuing issue ng warning, forecast projection eh wala namang oil spill sa Puerto Galera kaya kinasela ang mga bookings, mga foreigners and local tourist, so nanawagan kami sa UP Marine Science Institute na itigil muna nila ang paglabas ng forecast tapos naglalagay lang ng maliit na disclaimer,” ayon kay Sen. Francis Tolentino.

Dagdag ni Tolentino na sa maling abiso ng UP-MSI ay nailagay sa alanganin ang hanapbuhay ng mga nasa tourism industry.

Nakapagdagdag na aniya ng mga personnel ang mga hotel at restaurant bilang paghahanda sa summer vacation pero nanlupaypay sa biglang pagkansela ng tourist bookings.

Sa isang abiso na inilabas ng UP-MSI noong March 22, tinantsa ng mga marine experts na kakalat ang oil spill sa Verde Island Passage, kung saan naroon ang Puerto Galera na kilalang tourism attraction dahil sa magagandang beach at dive sites.

Pinuna rin ng mambabatas ang napakaliit na disclaimer sa advisory ng UP-MSI, kung saan nakalagay pa na “difficult” tantsahin ang forecast.

Sen. Tolentino pinasalamatan ng Aklan LGUs dahil sa agarang aksiyon kontra oil spill sa Mindoro

Kaugnay nito ay naghayag naman ng pasasalamat ang mga Aklanon, sa pangunguna ni Aklan Congressman Teodorico “Nonong” Haresco, kay Senator Francis Tolentino dahil sa agaran nitong pagtugon sa Oriental Mindoro Oil Spill.

Si Tolentino ang mambabatas na agad na nagprivilege speech sa Senado kaugnay sa nakababahalang situwasyon na nakaapekto sa kabuhayan ng 17 lungsod at munisipalidad.

Naniniwala si Haresco na kung hindi nagsalita si Tolentino sa Senado ay marahil kumalat na rin ang oil spill sa Aklan na kalapit na probinsya ng Oriental Mindoro.

“Nagpapasalamat kami kay Sen. Tolentino dahil inimbestigahan nya…  Dun nalaman ng ng coast guard, dun nalaman ng Marina. Before that, before nanawagan sya, nagtuturuan sila. Marina itinuturo ang coast guard,.. coast guard itinuturo ang Marina… Pinakamakapangyarihang komite sa bansa,” saad ni Teodorico “Ted” Haresco, Congressma, Capiz.

Ipinunto rin ni Haresco na ang speech ni Tolentino ang naging daan upang maituwid ang Philippine Coast Guard, at Marina na nagtuturuan kung sino ang dapat manguna sa operasyon kontra sa oil spill.

Matandaan na nailahad sa isang pagdinig sa Senado ay si Tolentino ang unang nanghingi ng tulong sa ibang bansa para sa paglilinis ng oil spill kung saan agad na tumugon ang bansang Japan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter