NAKATAKDANG babakunahan ng pamahalaan ang 3,000 Filipino migrant workers at 2,000 minimum wage income earners sa Labor Day, Mayo 1.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello, isasapinal ang listahan ng mga manggagawa na makatatanggap ng bakuna ngayong hapon.
Magiging prayoridad aniya sa vaccination ang mga matatandang manggagawa at may mga comorbidities.
Sinabi ni Bello na humingi ang DOLE ng mga rekomendasyon sa kanilang attached departments, OFW associations, business establishments, Department of Trade and Industry (DTI), at labor unions ukol dito.
Pamamahagi ng home care kit sa mga mild case COVID-19 patients, ikinokonsidera ng DOH
Samantala, pinag-aaralan na ng Department of Health (DOH) ang posibilidad ng pamamahagi ng tinatawag na home care kit sa mga COVID-19 positive.
Ipinaliwanag ni Health Secretary Francisco Duque III na ito ay para maiwasang madagdagan pa ang mga ospital na matagal nang puno ng COVID-19 patients.
Sa ngayon ay inaalam na aniya ng DOH kung mayroon pa ba silang sapat na pondo para pantustos sa home care kit ng mga pasyenteng may mild case ng COVID-19.
Sa ganitong paraan aniya ay maaaring magpagaling na lang sila sa kanilang bahay para hindi na kailangan na magtungo o magpa-confine sa ospital.
(BASAHIN: 2 linggong ECQ sa NCR Plus, nagresulta ng 1.5-M manggagawang nawalan ng trabaho)