MAAARI nang ma-ship ang 500,000 na libreng vaccines na gawa ng Chinese firm Sinovac kapag makatanggap na ito ng Emergency Use Authorization (EUA) mula sa Food and Drug Administration o FDA ng Pilipinas.
Ito ang inihayag ni National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr. sa isang pulong balitaan.
Aniya, hinihintay na lamang nila ang EUA galing sa FDA upang tuluyan nang mai-transport ang mga bakunang Sinovac.
“Hinihintay nalang natin ang EUA….Sinovac ang donation nila na 500,000. Once na nagkaroon na ng EUA at naapruban na ng FDA ang kanilang emergency use, puwede nang ma-transport dito anytime,” pahayag ni Galvez.
Nitong Enero, nangako ang China na magdo-donate ito ng 500,000 dosis sa bansa bilang bahagi na rin ng naunang commitment ni Chinese President Xi Jinping, na ipa-prayoridad ng Beijing ang Pilipinas kapag available na ang dinedevelop nitong bakuna kontra coronavirus.
Nauna na ring sinabi ng FDA na ang pagdo-donate ng China ng bakuna ay hindi makaaapekto sa gagawing review kaugnay ng kanilang aplikasyon para sa emergency use.
Kaugnay nito, iginiit ng kinatawan ng Sinovac, na epektibo ang kanilang bakuna, sa gitna ng mga puna na ipinupukop ng mga kritiko rito.
Inihayag ni Helen Yang, General Manager ng Sinovac, na ang napabalitang 50.4 percent na efficacy ng bakuna nila ay galing sa clinical trial na ginawa sa Brazil kung saan mga frontliner ang mismong participanta dito.
Subalit, ani yang, lumalabas na mas mataas ang efficacy rate nito sa pangkalahatang populasyon.
Samantala, ibinahagi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nasa advanced negotiations na ang Pilipinas sa limang vaccine manufacturers kung saan posibleng maselyuhan na ang naturang kasunduan sa katapusan ng Pebrero.
Nilalaman naman ng nasabing supply agreement ang mga detalye kung kailan dapat mabayaran ito ng Pilipinas at kung kailan din aasahang darating sa bansa.
Tumanggi naman ang opisyal na pangalanan ang limang kompanya alinsunod na rin sa non-disclosure agreements.
Mababatid na naka-secure na ang bansa ng 106 hanggang 108 milyong dosis ng COVID vaccines matapos lagdaan ang limang term sheets kasama ang mga manufacturer.