50K doses ng COVID-19 vaccine, inaasahang darating sa Marso sa San Jose del Monte City

KASALUKUYAN nang nasa estado ng negosasyon ang pamahalaang lungsod ng San Jose del Monte (SJDM), Bulacan sa iba’t ibang supplier ng COVID-19 vaccine.

Ito’y matapos na tiyakin ng lungsod na may nakalaan nang pondo ang siyudad para pambili ng bakuna laban sa COVID-19.

Sa isang panayam, sinabi ni Mayor Arthur Robes na magmumula ito sa bahagi ng P100 milyong pondo para sa iba’t ibang hakbangin ng pamahalaang lungsod upang patuloy na labanan ang nasabing sakit.

Tinatayang nasa 50,000 doses ang planong bilhin upang mabakunahan ang mga prayoridad na sektor sa 1.2 milyong populasyon ng San Jose del Monte habang ang kapupunan ay magmumula sa mga bibilhing bakuna ng pamahalaang nasyonal.

Ipinaliwanag ni Robes na ang halagang P100 milyong pondo ay nakapaloob sa P2.4 bilyong 2021 badyet ng lungsod.

Ayon sa lokal na pamahalaan nito, prayoridad ang mga senior citizen, mga kawani ng pamahalaang lungsod at mga frontliners gaya ng kapulisan, doktor, nars, Lingkod Lingap sa Nayon, barangay health workers, at mga kawani at opisyal ng barangay na nakatakdang bakunahan oras na dumating na ito sa lungsod, bukod pa ito sa mga edad 18 pataas.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.