ISANG karumal-dumal at hindi katanggap-tanggap na pamamaril ang ginawa ng isang pulis kung saan binaril nito ang isang 52-anyos na lola sa Fairview, Quezon City, kagabi, Mayo 31.
Kinilala ang pulis na si Police Master Sergeant Hensie Zinampan ng Police Security and Protection Group (PSPG) na nakabase sa Camp Crame.
Makikita sa video ang paglapit ni Zinampan na nakasibilyan sa isang ginang kung saan ay binunot nito ang baril at itinago sa kanyang likuran.
Matapos ang maikling engkwentro ay bigla na lang nitong sinabunutan ang biktima at binaril sa leeg.
Agad na bumulagta ang lola sa sahig na kinilalang si Lilybeth Valdez o mas kilala sa tawag na Lola Susan.
Nag-iyakan ang mga kaanak ng biktima sa sobrang takot at dahil sa nasaksihang pangyayari.
Ayon sa mga kaanak ng biktima, dati nang may alitan sina Lola Susan at Zinampan ngunit hindi nila akalaing hahantong sa ganitong sitwasyon.
Agad naman nagsagawa ng operasyon ang Quezon City Police District (QCPD) sa pakikipagtulungan ng Crime Investigation and Detection Unit ng Quezon City at naaresto ang suspek.
Kaninang umaga sa Camp Karingal na gigil na gigil si PNP chief Police General Guillermo Eleazar nang makita si Zinampan.
Ayon sa heneral na hindi katanggap-tanggap ang ginawa nito sa biktima na ginawang parang manok.
“Nais kong personal na makita itong suspek, itong pulis na tarantado nakita natin kanina na nag-viral sa video na pumatay nang walang kaawa-awa na parang manok na pinatay,” pahayag ni Gen. Eleazar.
“Maaaring most of you have seen the video ng karumal-dumal at hindi katanggap-tanggap na ginawa nitong pulis na ito,” aniya pa.
Sinabi ni Eleazar na ito ang resulta kapag hindi maayos ang recruitment system ay nakakapasok talaga ang mga ‘bogok’ na mga pulis na kagaya ni Zinampan.
Kaya muli binigyang diin nito na dapat sa recruitment pa lang ay masala na ang lahat na papasok na mga pulis at dapat magagaling lang ang makakapasok.
Dagdag pa ni Eleazar na ganito kahalaga ang isang video sa mga pangyayari dahil kung walang ebidensyang maipapakita ay todo ang gagawing pagtanggi.
“Wala nang magagawa kasi andyan na ang video yan ang ibig sabihin. Kung walang video total denial lahat gagawin na ganun eh titingnan ka pa ng buong kasinungalingan pero yung nakita na ang video hindi na siya pwede tumanggi dito. Yun ang kaibahan and this video will work both ways it will not only protect the victims but it will even protect the PNP personnel for unfounded allegation at yun ang magbibigay daan para maging mas propesyonal ang aming pulis sa paglilingkod at pagseserbisyo,” ayon pa kay Eleazar.
Matatandaan noong Disyembre nakaraang taon ay nangyari din ang pamamaslang ng isang pulis sa Tarlac na ikinamatay ng isang lola at ng anak nito.
(BASAHIN: Mag-ina, binaril-patay ng kapitbahay na pulis sa Paniqui, Tarlac)
Ayon sa heneral na walang puwang ang ganitong mga klaseng pulis sa hanay ng PNP kaya diretso sibak at sasampahan ng kaso ang mga kagaya nitong pulis na gumagawa ng kabulastugan at kalokohan.
Kaya umaasa ang heneral na hindi na ito mauulit.
Gagamitin naman ang lahat ng body cameras sa mga susunod na araw na nai-deploy na mga pulis sa mga presinto at hindi na hihintayin pa na mabigyan ang lahat na mga pulis bago ito gagamitin.
“Committed tayo na by the body camera na ibinigay na sa atin nai-supply sa ibang city stations sa mga susunod na araw gagamitin na po namin yan doon sa mga station na nabigyan na at trained na ang mga personnel dahil hindi na natin hihintayin pa na lahat mabigyan, hindi natin hintayin pa na lahat na ma-train. Kung saang pulis station na nabigyan na at na train gagamitin natin yan para magiging transparent ang ating trabaho,” dagdag ni Eleazar.
Nasa kustodiya na ng Crime and Investigation and Detection Unit ng QCPD ang suspek at nahaharap sa kasong administratibo at murder.