54-M indibidwal na fully vaccinated vs COVID-19, target sa unang linggo ng Enero

54-M indibidwal na fully vaccinated vs COVID-19, target sa unang linggo ng Enero

UMABOT ng humigit-kumulang 50 milyong indibidwal na ang fully vaccinated laban sa COVID-19 noong katapusan ng 2021.

Ito ang ibinahagi ni Presidential Adviser for COVID-19 response, Secretary Vince Dizon kung saan ipinabatid niya ang bagong target na bakunahan ngayong 2022.

Ito ay matapos hindi naabot ang target na 54 million na Pinoy na full dose ng COVID-19 vaccine sa katapusan ng Disyembre ng nakaraang taon.

Inihayag ng opisyal na batid ng lahat ang hirap na dinaanan sa iba’t ibang rehiyon lalo na sa Region 7, Region 8 at ibang parte ng Mindanao dahil sa pananalasa ng nagdaang Bagyong Odette.

Ngayon, ani Dizon, kampante aniya ang pamahalaan na maaabot ang 54 million ngayong unang linggo ng Enero.

Sisikapin aniya ng gobyerno na habulin ang naturang target sa coronavirus vaccination.

Samantala, naroon pa rin ang target ng bansa na 70 million na maturukan ng one dose sa katapusan ng kasalukuyang buwan.

Sa katapusan naman ng Pebrero o umpisa ng Marso, umaasa ang pamahalaan na aabot na ng 70 million ang fully vaccinated.

Para sa mga fully vaccinated, ani Dizon, kailangan ding i-prayoridad ang mga kailangang tumanggap ng booster shot lalo na ang mga senior citizen at mga may karamdaman o may comorbidity.

Tututukan din ng gobyerno ang pagpapadami ng mga babakunahang mga kabataan.

Umaasa rin ang pamahalaan na masimulan na rin ang pagbabakuna sa mga batang may edad lima hanggang labing isa kapag nakuha na ang suplay ng bansa galing sa Pfizer ngayon buwan ng Enero.

Kung matatandaan, inihayag ng Malakanyang na inaasahan ng administrasyon na makapag fully vaccinate ng 77 million individuals sa Marso ngayong 2022 at 90 million sa katapusan ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo.

SMNI NEWS