MULA sa tatlumpu’t tatlong barangay at establisimyento na isinailalim sa localized ECQ noong Sabado, umabot na sa 55 lugar sa lungsod ng Pasay ang kasalukuyang isinailalim sa naturang quarantine classification.
Sa isang panayam, sinabi ni Miko Llorca, isang nurse ng Pasay City Epidemiology and Surveillance Unit, na dalawampu’t isang barangay pa ang nakapagtala ng tatlo o higit pa na mga kaso ng COVID-19.
“Nagkaroon po kami ng 21 additional barangays na nagkaroon ng three or more cases,” ayon kay Llorca.
Sa report ng OCTA Research Group nitong linggo, nakapagtala ng nakakaalarmang pagtaas ng impeksyon ang lungsod matapos tumaas ng 203% ang daily new cases nito noong Pebrero 18 hanggang 20, kumpara sa nakaraang linggo.
Saad ni Llorca may iilang dahilan kung bakit biglang umakyat ang kaso ng COVID-19 sa Pasay.
Aniya, posibleng may kaugnayan ito sa mas nakakahawa at mas transmissible na UK variant ng COVID-19 na naitala sa isang residente ng lungsod noong nakaraang linggo.
Dahil dito, pinaigting pa ang pagsusuri at contact tracing efforts sa lungsod kung saan isinali na pati ang third-generation contacts.
Nakiusap din ang lokal na pamahalaan ng Pasay sa Department of Health (DOH) na isailalim sa genome sequencing ang mga samples ng lungsod upang matukoy kung marami na ba sa mga residente ang naimpeksyon ng naturang variant.
Dadag pa ni Llorca, posibleng may kinalaman din ang mismong lokasyon ng lungsod.
Aniya, labas-pasok ang mga tao sa lungsod dahil matatagpuan ang airport sa Pasay City.
“Nasa amin po ‘yung airport, so ‘yung mga palabas at papasok ng bansa at ibang probinsya, sa amin po dumadaan,” aniya pa.
Dito rin nananatili ang karamihan habang naghihintay sa kanilang scheduled flights.
“‘Yung iba, nag-iistay pa nang ilang araw sa amin, sa mga dormitories or bed space, habang naghihintay ng flights,” dagdag ni Llorca.
Base rin sa data, tumaas ang viral transmission ng bawat miyembro ng pamilya, kung saan 66% ng active cases ay mula sa parehong pamilya.
Kahapon, Pebrero 22, nasa 395 na ang bilang ng active cases ng Pasay ayon sa public information office ng lungsod.
Umabot na rin sa 7,650 ang kabuuhang bilang ng kaso ng COVID-19 sa lugar ngunit 7,059 na ang nakarekober.