57 close contact ng UK variant case sa Bontoc, nagpositibo sa COVID-19

NAGPOSITIBO sa COVID-19 ang 57 close contacts ng isang indibidwal sa Bontoc, Mountain Province na galing United Kingdom na tinamaan ng bagong COVID-19 variant.

Sinabi ni Health Spokesperson Undersecretary Maria Rosario Vergeire na sa 57 COVID-19 positive, labing dalawa rito ay natukoy na infected ng UK variant.

Ayon kay Vergeire, sa 369 na natukoy na close contact ng UK traveler case ay 233 dito ang sumailalim sa RT-PCR test.

Nasa 135 aniya rito ay nagnegatibo sa COVID-19 infection habang nakabinbin pa ang resulta ng 41 na iba pa.

Sinabi ni Vergeire na posibleng mailabas na ang resulta ng mga ito sa Lunes.

Samantala, case closed na ang pag-iimbestiga sa kaso ng Pinay domestic worker na nagpositibo sa UK COVID-19 variant pagdating sa Hong Kong.

Ito ay matapos magnegatibo sa bagong COVID-19 variant ang mga close contact ng Pinay.

Gayunman, sinabi ni Health Spokesperson Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi pa rin nila tiyak kung saan nakuha ng Pinay ang UK variant.

Ito ay dahil hindi pa aniya nila nasusuri ang lahat ng kapwa pasahero ng domestic worker.

SMNI NEWS