59% ng mga Pilipino, apektado ng pagtaas ng presyo ng bigas; Hakbang ng gobyerno para makontrol ito, hindi sapat—SWS

59% ng mga Pilipino, apektado ng pagtaas ng presyo ng bigas; Hakbang ng gobyerno para makontrol ito, hindi sapat—SWS

MALAKING hamon ang kinakaharap ng mga Pilipino noong nakaraang taon lalo na sa usapin ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Kabilang kasi sa mga produkto na sumirit ang presyo ay bigas, gulay, at karne na hanggang ngayong 2025 ay patuloy na nararamdaman.

Bukod pa diyan ang taas-presyo rin ng kuryente at tubig.

Katunayan, batay sa Social Weather Station (SWS), lumabas na 59% ng mga Pilipino ang lubhang naapektuhan ng pagtaas sa presyo ng bigas noong Oktubre hanggang Disyembre ng 2024.

59% ng mga Pilipino, naapektuhan ng mataas na presyo ng bigas

Habang 25% naman na mga kababayan ang nagsabi ring napakamahal ng produktong karne tulad ng manok, baboy, at baka.

11% naman ang tumukoy sa mga gulay habang 4% naman ang nagsabing apektado sila ng pagtaas ng presyo ng isda at ibang lamang dagat.

Ipinakita rin ng resulta ng survey na 58% ng mga Pilipino ang naniniwalang hindi sapat ang mga solusyong ibinigay ng gobyerno para makontrol ang inflation.

16% lamang ng mamamayan ang nagsabing sapat umano ang ginagawang hakbang, habang 19% naman ang hati ang reaksiyon.

Sinang-ayunan din ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang inilabas na survey ng SWS na patunay na bigo ang pamahalaan sa kanilang mga ginagawang programa.

“Nag-relay sila sa Executive Order number 62 na binaba ang taripa ng bigas, bumaha ang imported na bigas na 4.6 million last year so record imports and yet hindi bumaba ang presyo ng bigas.”

 “Damang-dama ‘yung pagtaas sa presyo ng bigas,” wika ni Jayson Cainglet, Executive Director, SINAG.

Ang datos na ito mula sa SWS survey ay ginawa mula Enero 17 hanggang Enero 20 ng kasalukuyang taon sa 1,800 na mga Pilipino.

‘Shortage’ sa suplay ng lokal na karneng baboy, dahilan kung bakit nananatiling mataas ang presyo—NATFED

Samantala, bumaba naman ang kaso ng mga barangay na apektado ng African Swine Fever (ASF) cases batay sa inilabas na datos ng Bureau of Animal Industry.

As of January 31, 2025, 130 barangay na lang ang apektado ng naturang sakit.

Ngunit, ang pagbaba ng kaso ng ASF sa bansa ay hindi naman nakatulong para mapababa rin ang presyuhan ng karneng baboy sa mga pamilihan.

Sa monitoring kasi ng Department of Agriculture (DA), nananatili pa ring nasa P480/kg ang liempo habang nasa P420/kg naman ang kasim.

Ang tanong, may shortage nga ba sa suplay ng lokal na karneng baboy sa bansa kung kayat walang humpay ang pagsirit ng presyo?

“Yes, of course may shortage pa rin malaki pa rin ang population ng karneng baboy simula nung tumama ang ASF kaya napakarami ng imported na pumasok last year. Ang pumasok na imported ay 800 million kilograms it is the highest ever na recorded na pumasok,” ayon kay Alfred Ng, Vice Chairperson, National Federation of Hog Farmers, Inc.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble