NAKATAKDANG mai-deliver sa Land Transportation Office (LTO) ang inisyal na kopya ng plastic cards bago ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Tugon ito sa naging kontrobersiyal na kawalan ng suplay ng plastic cards noong Abril 2023.
Ayon kay LTO OIC Asec. Hector Villacorta, ito ang ipinangako ng supplier na maide-deliver na ang inisyal na 5,000 bago matapos ang linggong ito.
“5,000 is the sample in good faith of the supplier that they can do for it. So, they expect the hologram in the next few days. It will be just, or good faith offer that they can do it,” ayon kay Asec. Hector Villacorta, OIC, LTO.
Hinihintay na lang aniya na dumating ang mga imported na hologram na bahagi ng lisensiya.
Sisimulan itong ipamahagi sa mga motoristang naabutan ng backlog noong Abril.
Sinabi pa ng opisyal, oras na magsimula na ang full production ng lisensiya sa susunod na linggo asahan na ang 15,000 hanggang 30,000 na plastic cards ang maaaring maimprenta kada araw.
Inaasahan na umabot sa 1 milyong license cards sa loob ng 60 araw ang maiprenta ng Banner Plasticard Inc.
“The paper soon will be out of date because the production of license cards. So the issue of lack of supply of the plastic cards will be history,” dagdag ni Asec. Hector Villacorta.
Sinabi ni Villacorta na tutukuyin pa ang mga prayoridad na mabigyan sa unang delivery ng plastic cards.
Ngunit, karaniwang nauunang mabigyan ay ang mga overseas Filipino workers (OFWs) at new drivers license applicants.
Pagbibigay-diin pa ng LTO, hindi dapat mabahala ang mga motorista na hindi pa mabibigyan ng plastic driver’s license.
Dahil, bukod naman sa plastic cards ay maaari na ring ma-access ngayon ng publiko ang kanilang electronic driver’s license (eDL) sa pamamagitan ng Land Transportation Management System (LTMS) portal.
Maaaring ipakita sa mga traffic enforcer ang eDL kung hindi nila dala ang pisikal na lisensiya sakaling mahuli sa kalsada.
“Napa-aga ‘yung launch because the IRR takes 15 days to take effect. But we just want to assure the public that things are getting back to normal and we have an additional form that is available, the virtual ID. The virtual ID will be advantageous to OFWs, who may present the digital copy as proof of identification.”
“Puwede rin ipakita ‘yung e-license so we would have a memo to all enforcers that that should be accepted,” ani Villacorta.
Paggamit ng electronic driver’s license, valid na simula sa susunod na linggo
Paglilinaw pa ng LTO, magiging valid na ang nasabing eDL simula sa susunod na linggo.