KINUMPIRMA ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang paparating na anim na attack helicopters na T129B “ATAK” helicopters mula sa Turkish Aerospace Industries sa ilalim ng Attack Helicopter Program ng Philippine Air Force.
Ayon sa kalihim, nasa P13.8 billion ang ginamit na pondo dito para lalo pang palakasin ang counter-terror and ground support missions ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Nauna nang sinabi ng AFP na hindi pa rin tapos ang laban ng pamahalaan kontra terorismo bagaman unti-unti nang nagagapi ang mga grupo ng CPP-NPA-NDF sa iba’t ibang panig ng bansa partikular sa kalakhang Luzon.
“We have already ordered six (T129B helicopters),” pahayag ni Lorenzana.
Inaasahang darating ang nasabing kagamitan sa ikatlong bahagi ng taon.
“According to schedule, (deliveries will start in the) third quarter,” ayon kay Lorenzana.
Ang T129B attack helicopters ay isang twin-engine, tandem seat, multi-role, at all-weather attack helicopter ayon sa Agusta A129 Mangusta platform na nakadisenyo para sa mas pinalakas at malawak na operasyon sa anumang uri ng panahon.
May kapasidad din ito na makapag-operate sa araw at gabi.
Bukod dito, inaasahan din ang pagbili ng Philippine Air Force ng iba pang klase ng light-armed helicopter gaya ng MG-520 and AW109E.
Nito lamang buwan ng Pebrero, inaprubahan din ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagbili ng pamahalaan ng 15 mga Black Hawk helicopters.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, ang naturang hakbang ay bahagi ng pagpapalakas ng pwersa ng AFP.
Unang plano ang pagbili ng 55 na mga bagong helicopters pero 15 na lang na mga bagong helicopters ang bibilhin muna dahil sa iba’t ibang problema ang kinakaharap ng bansa gaya ng COVID-19 pandemic.
(BASAHIN: Anim na Black Hawk helicopters, pormal nang tatanggapin ng Philippine Air Force)