NAPUNO ng iyakan at sigawan ang video na kuha ng isang pasahero mula sa sinakyang bus na sangkot sa malagim na aksidente sa North Luzon Expressway (NLEX) sa bahagi ng Valenzuela City nito lamang Lunes, Abril 14.
Sa kuhang ng pasaherong si Mark Henry Santos, kitang-kita na nahirapan ang ilang pasaherong sugatan na makalabas mula sa wasak na bus matapos ang nangyaring karambola.
Nadamay rin umano sa aksidente ang isang truck at van na nasa kaparehong lugar lang din.
Batay sa nakuhang ulat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), mabilis ang takbo ng bus na galing sa Angat, Bulacan, patungo sana sa Monumento sa Caloocan.
Dahil dito, pinatawan agad ng preventive suspension ng LTFRB ang anim na units ng kompanya ng bus na pagmamay-ari ni Wilson Hong Sy, na may rutang PITX – NAVOTAS TERMINAL VIA EDSA.
“Pirmado na ng board, this order is issued pursuant to the exercise of the regulatory powers pursuant to section 5, preventively suspend for not more than 30 days effective immediately,” saad ni Atty. Ariel Inton, Spokesperson, LTFRB.
“This is very traumatic for me. Thank God, galos lang tinamo ko. We had a bus accident here at NLEX,” ani Mark Henry Santos.
Dagdag pa ng LTFRB, nasa anim na units ng nasabing kompanya ang hindi maaaring mag-operate o pumasada.
Inatasan na rin ang operator na si Wilson Hong Sy na i-surrender ang anim na plaka sa legal division ng LTFRB.
Kailangan ding sumailalim sa Road Safety Seminar ang drayber at maging ang operator, dahil posibleng wala na raw’ng disiplina sa pagmamaneho kaya’t nagkakaroon ng aksidente.
Sabi pa ng LTFRB, nakaalerto na rin ang iba’t ibang enforcement agency sa oras na mahuling bumibiyahe ang bus kahit suspendido.