KUSANG sumuko sa pamahalaan ang 6 na miyembro ng extremist group sa Maguindanao del Norte Martes ng hapon May 2, 2023.
Isa sa mga rason ng pagsuko ay ang kapakanan ng kanilang mga pamilya at makapamuhay nang matiwasay sa kani-kanilang lugar.
Kinumpirma ni Lieutenant Colonel Rommel Agpaoa, Commanding Officer ng 92nd Infantry (Tanglaw Diwa) Battalion, na 5 sa mga ito ay myembro ng BIFF-Karialan Faction at isa ay myembro ng DI-Turaife Group.
Bitbit ng mga surrenderees ang kanilang mga gamit na armas pandigma na kinabibilangan ng tatlong 7.62mm Sniper Rifles, isang 1 Garand Rifle, 1 Grenade Launcher at 1 Rocket Propelled Grenade (RPG).
Tumanggap din ang mga ito ng inisyal na tulong mula sa BARMM Government.
Iniuugnay naman ni Maj. Gen. Alex Rillera, Commander ng 6ID at Joint Task Force Central ang tagumpay na ito sa whole-of-nation approach na magkasamang ipinatutupad ng militar, local government units, iba pang ahensiyang panseguridad, at mga stakeholder.